Problema sa trapik malala pa rin
NAGKAROON naman ng kaunting pagbabago sa daloy ng trapiko sa EDSA simula nang ito ay manduhan ng Highway Patrol Group (HPG).
May ilang lugar sa EDSA ang biglang lumuwag ang daloy ng trapiko depende sa oras subalit hindi ito makakayanan ng HPG kapag rush hour lalo na kapag bumagsak ang ulan.
Kahit anong higpit ang gawing pagmamando ng HPG, lumilitaw talaga na sobra-sobra na ang bilang ng mga sasakyan na hindi nakokontrol ng gobyerno.
Kung minsan, lumuwag nga ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA pero hindi na kayang masolusyunan ang rush hour sa umaga southbound mula Timog hanggang Santolan dahil sa siksikan at dami ng sasakyan.
Paglabas ng EDSA ay matindi rin ang problema sa trapiko na panahon na upang isama ito sa pagmamando ng HPG.
Ayon sa pinaka-huling report at pagsasaliksik ng WAZE, isang community based traffic and navigation app na kinukunan ng inpormasyon ng mga motorista, ang Metro Manila ang itinuturing na may pinakamalalang problema sa trapiko sa buong mundo.
Kung mapaluwag man ang EDSA pero masikip naman sa iba pang mga pangunahing lansangan, balewala rin ang pagsisikap ng HPG.
Panahon na para kumilos ang gobyerno na gumawa ng mga mabibigat na hakbang tulad na lang ng pagbabawas sa mga sasakyan lalo na ang mga luma o karag-karag.
Kung hindi man tuluyang alisin ay pagbawalan na lamang na dumaan ang mga lumang sasakyan sa pangunahing lansangan sa Metro. Aprubahan ang panukalang no parking zone ang buong lansangan sa Metro para maalis ang mga may sasakyan na walang sariling paradahan.
Pero maipatutupad lamang ito kung aayusin din ang public transportation sa Metro Manila at kabilang ito sa matatawag na long term solution.
Kahit pa disiplinado na ang lahat ng motorista, hindi naman ito sapat kung sobra ang dami ng bilang ng mga sasakyan sa kalsada kaya mananatili pa rin ang problema sa trapiko.
- Latest