SIMPLE lang ang formula ko sa pagpapalaki ng aking mga anak—Hindi ko ginagawa sa kanila, ang mga bagay na ginawa sa akin ng mga magulang ko, na hindi nakatulong para umunlad ang aking pagkatao. Bigyang daan natin ang sinasabing 7 kamaliang nagagawa ng ibang magulang sa kanilang anak base sa point of view ng mga child psychologists:
1. Nanghihiya. May kakilala akong ina na sinasampal ang anak sa harap ng ibang tao. Mabuti raw na hiyain paminsan-minsan para magtanda. Sa halip magtanda ang bata, ang ‘sugat’ sa puso nito dulot ng panghihiya ng ina ay hindi na naghilom kahit kailan.
2. Mahilig magdayalog ng “Basta’t sundin mo, dahil iyon ang gusto ko”. Ipaliwanag kung bakit kailangan niyang sundin ang iniuutos mo. Di ba’t nakakawalang ganang gawin ang isang bagay kung walang dahilan? Ano, robot, na basta na lang susunod?
2. Hindi pinapansin ang anak kapag busy sa trabaho. Para hindi maging guilty sa ganitong kamalian, gawing mantra for life ang mga katagang ito: Ang mga anak ko ang aking number one priority!
4. Minamaliit ang talino ng anak porke bata pa siya. Sa sobrang moderno ng mundo ngayon, minsan mas smart pa ang mga anak kaysa magulang nila. At saka paano siya magtitiwala sa kanyang sarili kung ikaw mismong magulang niya ang walang bilib sa kanya. Kadalasan, mga anak ang nagtuturo sa kanilang parents kung paano mag-operate ng computer, kung paano mag-open ng account sa twitter at kung ano-anong high tech gadget.
5. Madaldal at mataray. Ang kaya lang tandaan ng average human brain ay 5 to 9 items at a time. Sa sobrang dami ng idinadaldal ng ama at ina, na may kasamang pagtaas ng boses, walang matandaan ang bata kahit isa.
6. Kinukunsensiya ang bata para sumunod ito. “Hala, pupunta ka sa impiyerno kapag hindi ka sumunod. Kasi magagalit si Jesus sa iyo”. Hindi pa ganoon kalalim ang kanilang pang-unawa kaya sa halip na magbunga ito ng kabutihan, magiging “horror” ang pagtingin niya sa relihiyon.
7. Pinagbabantaan ang bata kapag hindi sumunod. Ang objective natin ay magpalaki ng batang masunurin na ginagamit ang common sense at hindi batang sumusunod dahil natatakot na parusahan siya.