HINDI alam ni Karen Cooper, 42, na mayroon siyang breast cancer. Nalaman lamang niya ito nang aksidente siyang tamaan ng bola habang naglalaro ang kanyang anak na si Zac. Mahilig sa baseball ang kanyang anak.
Nakikipaglaro si Karen sa anak. Nagbabakasyon sila noon sa Mallorca. Hindi sinasadya ay tinamaan siya ng bola sa dibdib --- sa tapat ng suso mismo.
Binalewala ni Karen ang pangyayari. Hindi naman masakit.
Kinabukasan, napuna niya na mapula ang bahaging tinamaan ng bola. Kumunsulta na siya sa doctor at natuklasang may bukol siya sa suso pero sabi ng doctor ay hindi naman ito serious.
Subalit sa isinagawang tests at biopsy, natuklasang stage 3 na ang cancer at nanganganib ang kanyang buhay.
Pinayuhan siyang sumailalim sa anim na session ng chemotherapy. Pagkaraan ay inopera ang bukol sa suso. Nagkaroon muli ng 15 session ng chemo at matapos iyon, sinabi ng doctor na wala na ang cancer. Magaling na siya.
Ganoon na lamang pasasalamat ni Karen. Kung hindi tinamaan ng bola ang kanyang suso, hindi madidiskubre ang bukol at siguro namaalam na siya sa mundo.