May ‘laglag bala’ na, may salisi pa

Kung sa mga bus at jeepney ay may modus ng ‘laglag barya’, grabe naman pala sa NAIA kung saan ay may ‘laglag bala’.

Isa-isa nang lumalabas ang mga naging biktima ng ganitong modus ng ilang tiwaling tauhan sa airport na sinasabing nagtatanim ng bala sa mga bagahe ng target nilang mga pasahero.

Sa huli , iisa siyempre ang gusto at estilo, ito ay ang paghingi ng pera sa kanilang bibiktimahin.

Ang mga kawatan sa bus at jeep na ‘laglag barya’ naghuhulog ng barya sa lapag. Kunwari ay nagmamalasakit pa ito na sabihan ang katabi na nahulog ang kanyang pera, yung pala, sinisimulan na siyang dukutan at kuhanan ng mahahalagang bagay.

Sa modus sa airport na ‘laglag bala’ ihuhulog ang bala sa mga iniinspeksyon na mga bagahe at bag ng mga pasahero. Lingid sa kaalaman ng mga ito, itinatanim  na ang bala na kunwari eh sila rin ang makakakita.

Siyempre pa mabibigla ang biktima, eh bakit nga naman siya magdadala ng bala, bawal na bawal ito at para tapos na ang argumento, ang mga tiwaling tauhan pa ang mag-aalok na pag-usapan na lang.

Itong si pasahero ayaw na ring maabala pa, bibigay na sa hirit ng tiwaling tauhan sa NAIA.

Ganun kadali, ang modus.

Kaya nga ngayon, may panukala ang ilang kongresista na kanilang irerekomendang sumailalim muna sa matinding body search ang mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) bago sila sumabak sa kanilang duty, para maiwasan ang ganito o kahawig nitong mga modus.

Hanggang sa pinakamailiit na bulsa dapat daw walang dalang anuman ang kanilang mga tauhan sa oras ng duty.

Eto pa, hindi pa man natatapos ang ganitong kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang tiwaling tauhan ng OTS, hindi lang pala ‘laglag bala’ ang estilo rito, meron ding salisi na mismong ang mga nagbabantay ang sangkot.

Isang pasahero rin ang nagreklamo nang nawalan ng bag. Ang siste, kitang kita sa kuha ng CCTV na mismong mga unipormadong security sa airport ang siyang nakuhanang sangkot.

Kaya nga dapat ding madagdagan ang mga nakatutok na CCTV sa  mga entrance at final screening ng airport para hindi lang ang mga pasahero na nababantayan kundi maging ang kanilang mga tiwaling tauhan.

Show comments