Bulag na bata sa UK, nakakakita dahil sa teknik na ginagamit ng paniki
ANG mga paniki ay hindi nakakakita sa dilim subalit gumagamit sila ng isang teknik na tinatawag na “echolocation” o tunog para makalipad sa gabi at makahanap o makahuli ng kanilang pagkain.
Ganito rin ang ginawa ng bulag na bata na si Mason Dzora, 6, para makakita sa kabila na siya ay may kapansanan sa paningin. Tunog ang ginagamit ni Mason. Dahil sa kagila-gilalas na nagagawa ni Mason, tinagurian siyang “Bat Boy”.
Sumailalim sa echolocation training si Mason. Tinuruan siya na gamitin ang sariling clicking sound para marinig ang anumang nasa paligid niya. Halimbawa’y sa pagpasok niya sa kuwarto, dahil sa tunog mistulang nakikita niya ang kapaligiran ng kuwarto.
Ang nagturo ng echolocation kay Mason ay ang American echolocation expert na si Daniel Kish. Si Mason ang ika-apat na bata sa UK na sumailalim sa echolocation. At madaling natuto si Mason. Bilang pagtesting kay Mason, naglagay si Daniel ng mga plato sa paligid ng bata at ipinahanap ang mga iyon. Madaling natagpuan ni Mason ang mga pinggan dahil sa tunog. Marami ang humanga kay Mason.
Ipinanganak si Mason na bulag dahil sa Leber’s congenital amaurosis. Ito ay namamanang sakit.
Malaking gaan ng kalooban at isipan para sa mga magulang ni Mason na nakakakita ito sa pamamagitan ng echolocation. Ganunman, nag-iipon pa rin sila ng pera para matustusan pa ang buong treatment ni Mason. Ang treatment ay nagkakahalaga ng £20,000.
- Latest