NOONG nakaraang Abril, nabulgar ang ginagawang pagnanakaw ng baggage handlers sa dala-dalahan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Anim na baggage handlers ang nahulihan ng mga mahahalagang items sa kanilang locker. Nagkaroon ng inspection sa mga locker ng baggage handlers at nakakuha ng mga alahas, pera, relo at maraming iba pa. Ayon sa mga pasaherong nawalan ng items sa kanilang bagahe, puwersahang tinanggal ang lock.
Ngayon ay may bago na namang isyu sa NAIA at nakadidismaya. Nakakahiya na!
May mga empleado ng NAIA na nagtatanim ng bala sa bagahe ng balikbayan at turista para makapang-extort. Isang turista na patungong Palawan ang tinaniman ng bala sa kanyang bagahe at para raw hindi na makasuhan ay hiningan na lamang ng P30,000. Ganito rin naman ang ginawa sa isang balikbayan. Pauwi na sa US ang balikbayan nang taniman ng bala ang kanyang baggage. Gulat na gulat ang balikbayan kung paano nagkaroon ng bala sa kanyang bagahe. Hinihingian din siya ng pera ng mga empleado ng NAIA pero hindi umano nagbigay ang balikbayan at sa halip, nagreklamo sa mga awtoridad.
Nakakahiya na ang mga nangyayari sa NAIA na lalong nagpapababa sa tingin ng mga turista’t balikbayan. Noon pa, laging ibinobotong pinaka-worst ang NAIA ng ilang travel website. Nirereklamo ang mahabang pila, mainit, walang upuan, walang tubig sa comfort room, marumi ang sahig, kulang ang mga signage, hindi friendly ang airport personnel at masyadong crowded. At ngayon, tanim-bala naman. Sinong turista ang mahihikayat magtungo sa bansa kung tataniman ng bala ang bagahe?
Sabi ng Malacañang, parurusahan ang mga empleado ng NAIA na mapapatunayang sangkot sa “tanim-bala scam”. Sabi ni Sen. Ralph Recto ang mapapatunayang nagtanim ng bala ay may kaparusahang habambuhay na pagkabilanggo sa ilalim ng Republic Act 10591 o ang Firearms Law.
Hulihin at parusahan ang mga sangkot sa “tanim-bala” scam. Hindi sila dapat patawarin.