MAG-IISANG linggo na mula nang kidnapin sa Samal Island ang dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Pinay at hanggang ngayon hindi pa natutukoy ang pinagdalhan sa kanila ng armadong grupo. Hatinggabi noong nakaraang Lunes nang sumalakay ang 11 armadong kalalakihan sa Holiday Ocean View Samal Resort. Nakasakay umano sa dalawang motorized banca ang mga kidnaper at sapilitang dinala ang apat. Ayon sa report, sa direksiyon ng Compostela Valley tumungo ang mga kidnaper.
Hinala ng mga awtoridad, mga New Peoples Army o Abu Sayyaf ang mga kidnaper. Subali’t sabi ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, hindi raw NPA ang may kagagawan ng pangingidnap. Mga propesyunal daw ang mga kidnaper na lumusob sa resort. Sanay na sanay ang mga ito at walang takot.
Mas naniniwala naman ang marami na Abu Sayyaf ang nasa likod ng pangingidnap. Iisa raw ang estilo. Halos katulad nang ginawang pagkidnap sa 21 turista noong Abril 2000 sa Sipadan, Malaysia at pinatubos ng $20 milyon. Noong Mayo 2001, sinalakay ng Sayyaf ang Dos Palmas Resort sa Palawan at kinidnap ang mga turista kabilang ang mag-asawang Americans na sina Martin at Gracia Burnham. Pinatay ang isang hostage na Amerikano samantalang napatay sa rescue operation si Martin.
Marami nang lider ng Sayyaf ang napatay -- Abu Sabaya, Kumander Robot, Radulan Sahiron at iba pa subalit patuloy pa ring namamayagpag ang grupo. Muli at muling nakakapangidnap at tila wala nang katapusan ang kanilang kasamaan. Nagkulang ba ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kaya hindi mapulbos ang Sayyaf? Inumpisahan pero hindi tinapos ang pakikipaglaban?
Tiyak na Sayyaf ang nasa likod ng kidnapping sa Holiday Ocean View Samal Resort. Sa nangyaring ito, nasa balag na naman ng alanganin ang turismo ng bansa. Sino pa ang bibisita sa bansa kung kikidnapin lamang sila? Wala silang makuhang proteksiyon habang nasa bansa.
Sikapin ng AFP at PNP na mailigtas sa maayos na paraan ang apat na kinidnap. Ipakita na kaya nila ang Sayyaf.