NOONG Setyembre 2014, isinugod sa isang ospital sa North Carolina si Shelly Cawley dahil pumutok na ang kanyang panubigan. Pagkatapos manganak sa pamamagitan ng C-section, siya ay na-comatose. Hindi na siya binalikan ng malay matapos pumutok ang ugat at namuo ang dugo sa kanyang binti.
Ang isinilang niya ay isang malusog na babaeng sanggol. Halos mabaliw ang mister pagkaraang malaman ang nangyari sa asawa. Biglang naisip ng mga nurses na hubaran nila ang baby at ipatong ito sa dibdib ni Shelly. Gusto nilang magkaroon ng skin to skin contact ang mag-ina. Nananalig sila na ito ang magpapagising kay Shelly. Pinaglapit nila ang dalawa para maamoy ng ina ang kanyang anak.
Tahimik na natulog ang baby sa ibabaw ng dibdib ng kanyang ina pero ito ay biglang nagising at umiyak nang malakas. Ang uha ng bagong silang na sanggol ay umabot sa labas ng hospital room. Sa isang iglap ay nagmulat ang mata ni Shelly. Palakpakan ang lahat ng doktor at mga nurses. Milagro! Nagkamalay ang ina.
Sa interview ng media kay Shelly, nagitla raw siya mula sa pagkakahimbing dahil parang may uha ng sanggol na nagparindi sa kanyang pandinig. Ang kaagad niyang naisip ay baka raw may nangyaring masama sa kanyang anak. Ang iyak daw kasi ay para itong nasasaktan. Kaya bumalikwas kaagad siya para hanapin ang kanyang anak. Source: www.hngn.com