IBA’T IBA ang sinasabing dahilan ng mga matatanda kaya umabot sila sa ganoong kahabang buhay. May nagsabing dahil hindi sila nag-iisip sa problema, lagi silang kumakain ng gulay, lagi silang tumatawa at laging malinis sa katawan.
Pero iba ang sinabing dahilan ng isang matandang babae sa France kaya naging mahaba ang buhay. Dahil daw sa paninigarilyo, pag-inom ng alak at pagkain ng chocolate ang sekreto ng kanyang mahabang buhay.
Si Jeanne Louise Calment ay isinilang noong Peb. 21, 1875. Halos kasabayan niya nang maimbento ang telepono ni Alexander Graham Bell. Nakita rin daw niya ng personal ang Dutch artist na si Vincent Van Gogg at nakita rin daw niya kung paano ginawa ang Eifel Tower.
Pero ang isa sa sinabing sekreto ng kanyang mahabang buhay at pagiging fresh ng kanyang kutis ay ang diet na may kasamang olive oil. Dahil daw sa olive oil kaya nananatiling bata ang kanyang anyo. Binanggit din ni Calment na mahilig siya sa fencing at mahusay din siyang mag-bike.
Ayon pa kay Calment, nanigarilyo siya sa edad na 21 at nagtuluy-tuloy hanggang sa umabot siya sa edad na 117. Umiinom daw siya ng alak araw-araw at kumakain ng isang kilong chocolate bawat linggo. Hindi raw kumpleto ang kanyang araw kung wala ang kanyang mga paborito.
Masaya rin ang buhay-may-asawa ni Calment na ayon sa kanya’y isa rin sa dahilan nang mahaba niyang buhay.
Sa buong buhay niya ay hindi siya nagkaroon nang matinding karamdaman. Malusog na malusog siya.