NAGING pugad na ng corruption ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) subalit hindi naman kumikilos si Pres. Aquino para malinis ito. Samu’t saring reklamo na ang ibinabato ng mga balikbayan at OFW laban sa pangongotong ng mga personnel ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI) at mukhang wala nang katapusan ito. At habang patuloy na nananalasa ang mga taga-BOC at BI sa mga balikbayan at OFWs, ang nasisira ay hindi lang ang bansa kundi maging ang pangalan ng ama ni Pres. Aquino na si Ninoy Aquino dahil naka-pangalan sa kanya ang airport na ito. At dahil ikinukuwento ng mga biktimang balikbayan at OFW sa mga kasamahan nila sa abroad ang masaklap at mapait nilang karanasan sa NAIA, bantog na rin sa corruption ang airport natin, di ba mga kosa? Boom Panes! Kailan kaya kikilos si Pres. Aquino para matuldukan ang corruption d’yan sa NAIA at nang makahinga naman ng maluwag ang mga balikbayan at OFW? Eh ang battlecry pa naman ng administration ni Pres. Aquino ay labanan ang corruption subalit ano ang nangyari? Hehehe! Nabaon na kaya sa limot itong battlecry ng Aquino administration?
At narito ang bagong modus operandi ng mga buwaya sa NAIA na naranasan ng balikbayan na si Rhed Austria de Guzman. Ayon kay De Guzman, dumating siya sa NAIA Terminal 2 noong Set. 18 ng umaga para sa flight niya patungong Los Angeles, USA. Naka-wheelchair si De Guzman at nagpapasalamat siya at tinulungan naman siya ng mga porter sa kanyang tatlong bagahe. At tulad ng kalakaran sa NAIA, sumailalim sa x-ray ang tatlong bagahe na ang laman ay mga damit at mga pagkain na pasalubong sa pamilya o kamag-anak sa LA. At dito na nagsimula ang kalbaryo ni De Guzman. Boom Panes! Hehehe! Kanya-kanyang raket lang ‘yan, di ba mga kosa? Tumpak!
Pagkalabas ng bagahe ni De Guzman sa x-ray, may lumapit sa kanya at bumulong na nagtanong kung baka may baon siyang agimat o anting-anting sa kanyang bagahe. Tinawag din siya ng isang lady staff at sinabihang may kakaibang baon siya nga. Pinasok naman ng isang lalaking staff, habang nakatalikod kay De Guzman, ang kamay niya sa bulsa ng kanyang bagahe at bingo….paghugot ng kamay may kasama na itong dalawang bala -- isa ay buo at ang isa ay basyo na. Walastik namang raket ito, no mga kosa! Pupunta ka sa abroad tapos may dala kang bala? Eh sa LA siya pupunta at di naman sa Syria! Ano ba ‘yan?
At ganito na ang sumunod na pangyayari Pres. Aquino Sir! Kinuha ng mga staff ang passport at greencard ni De Guzman. Tinakot ng mga staff si De Guzman na ilalagay nila sa record niya ang pagka-recover ng mga bala at tiyak maaapektuhan ang mga biyahe niya sa ibang bansa. Siyempre, pinawisan si De Guzman dahil ang greencard niya na mahabang taon n’yang pinaghirapan ay mabalewala dahil lamang sa maling akusasyon laban sa kanya. Nagtataka siya kung saan nanggaling ang bala eh hindi niya alam ito at wala naman siyang ibang pagkukunan nito? At dito na umentra ang kakutsaba ng mga staff na porter. At ganito na ang sumunod na pangyayari, ayon kay De Guzman. Bumulong ang porter sa tabi ko. Sabi niya, “Ate, ayusin mo na lang. Puwede na yan sa 500.” Sabi ko sa babae e, “Baka puwedeng tulungan mo ako.” Sagot naman niya, “O sige po, iabot mo na lang sa akin ng patago. Baka mahuli ako ng supervisor.” “D’yos ko po!!! Para lang sa 500 e magkaka-record ako at baka hindi pa ako makasakay sa eroplano pabalik sa LA?!?! Sige na! Ibibigay ko na!” aniya.
Umani ng maraming negatibong komento ang post ni De Guzman sa FB. Ani George Reyes ng Biñan, Laguna, “Napakawalanghiya naman ang nasa airport. Baldado na yung ale ginatasan pa. Eh kung hinimatay sa takot yung pasahero baka lalong malaking problema pa. Josko magbago na kayo ng delihensiya. Nakakahiya kayo, mga bwisit! Ayon naman kay ret. Gen. Cris Maralit, “Dapat isilid sa balikbayan box ang mga hinayupak na iyan at itapon sa dapat.” Kayo mga kosa, anong sey n’yo? Abangan!