EDITORYAL – Nasa likuran lang ng Crame ang drug dens

HINDI na lumalayo ang drug syndicates para makapag-operate ng kanilang illegal na negosyo. Para mapatunayan na magaling sila sa pagtatago ng bawal, ginagawa nila ito sa paligid kung saan naroon ang headquarters ng Philippine National Police (PNP). Para bang hinahamon ng sindikato ng droga ang kakayahan ng PNP? Parang minamaliit ito at tinatantiya kung hanggang saan nakaaabot ang pang-amoy.

Imagine, sa likod mismo ng Camp Crame ay mayroong 12 bahay na ginagawang drug dens. Sa drug dens na ito malayang nakagagamit ng shabu ang sinuman --- kabataan, may-edad, propesyunal, traysikel drayber at jeepney, at kung sinu-sino pa. Basta gustong magpakalango sa bawal na shabu, puwede sa 12 dens na nasa likod ng Camp Crame.

Pero natunugan ang illegal na gawain. Sina­lakay ng Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force ang lugar at natimbog ang 33 tao (babae at lalaki). At ang nakadidismaya, isang pulis pala ang nagmi-maintain ng drug dens. Kaya naman pala hindi mahuli-huli o ma-raid ang lugar ay dahil pulis pala ang namamahala sa drug dens. Hindi nga masusugpo ang droga sa lugar sapagkat ang inaasahang huhuli sa drug operators ay siya palang nagbabantay.

Nakilala ang pulis na si Police Officer 2 Ronaldo Baltazar na naka-assigned sa PNP Headquarters Support Service. Inihahanda na ang kasong isasampa kay Baltazar.

Hindi nga malulutas ang mga drug problem sa bansa sapagkat pulis pala ang namamahala. Kailangan ang puspusang pagkilos ni PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez para mabasag ang mga pulis na sangkot sa illegal drugs. Basagin niya ang mga bugok na pulis. Nakakahiya na ang mga pulis ang nagpuprotekta sa mga salot na drug traffickers. Napakasama ng nagiging bunga kapag nalulong ang mga kabataan sa bawal na droga. Marami nang nawasak na kinabukasan dahil dito.

Show comments