ETIQUETTE for mistresses… Iyan ang titulo ng bagong pelikulang ilalabas sa direksyon ni Chito S. Ro?o.
Nakausap ko si Chito at nalaman ko na ipinatanggal daw ng Movie Television Review Board (MTRCB) ang lahat ng mga salitang ‘KABIT’ sa kanilang ‘trailer’ dahil hindi daw pasado ito.
Nakakatawang isipin ang pagka-hipokrito ng mga taga MTRCB gayung sa titulo pa lamang nakasaad na ang salitang ‘Kabit’. Ano ba ang MISTRESS sa Tagalog? Hindi ba’t kabit ito?
Kapag Ingles pala pwede ngunit sa salitang Tagalog bawal ito. Hindi ba’t malinaw na dalawa ang pamantayan na ginagamit ng MTRCB at may diskriminasyon pagdating sa sariling wika?
Walang pinagkaiba ito kapag nakakarinig ako ng mga artista o maski hosts sa telebisyon na nagsasalitang ‘QUE SE JODA’. Alam kaya ng mga taga MTRCB ang ibig sabihin nito na salitang Kastila?
JODER o sa English ay F@&K. ‘Que se Joda’ ang ibig sabihin ay GO F@&K YOURSELF.
‘I cannot understand kung bakit ang mga taga MTRCB ay nagmamalinis kung titingnan natin ang ating lipunan, mistresses are a part of it. Mula nuon pa it has been a part of our culture na ang mga lalaki ay meron mga kabit at hindi tapat sa kanilang mga asawa,’ ayon kay Lourdes na isang balikbayan.
Ang TEMA ng pelikula mismo alam mo na agad na ito’y naglalarawan ng ating buhay at lipunan. Alam din naman ng mga babaeng ito kung saan sila pupwesto at kahit hindi ko pa napapanood at napagkukwentuhan namin ni Roño, meron mga tamang galaw at ‘code among mistresses’ na dapat nilang sundin para hindi naman sila magmukhang napakababa.
Hipokrita ba ang mga taga MTRCB? Kayo lang ang makakasagot niyan.
Ito ba ay dahil sa kampanya ninyo na linisin ang telebisyon sa mga batang nanonood gaya ng ipinakita ninyo sa inyong ‘infomercial’ na sina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos ay nadidinig ang isang bata na nagtatanong, ‘Mommy what is kabit?’
Ang tuluyang pagtanggal nito ang naglilinis sa moralidad nating mga Pilipino? Ang hustong paghubog sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ang magsasaayos nito!
Baka naman gusto ninyo na dahil ang kamay ang nagkakasala dapat putulin na ito. Kapag mata naman ay dukutin ito. Paano na kung ang puso ang nagkamali, saksakin ito para tuluyang huwag ng tumibok?
Hindi ko naman sinasabi na magwalang bahala na tayo sa mga ipinalalabas sa trailer ng telebisyon
Ang dapat talagang gawin ay manggaling na sa mga magulang at eskwelahan kung ano ang tama at mali.
Sa simbahan na dapat palakasin ang pamilya at sa tamang payo sabihin kung ano ang dapat at ang pamilya pa rin ay dapat isalang-alang.
Ang inyong mandato ay ‘iregulate’ ang mga pelikula at teleserye na napapanood sa telebisyon.
Ilan na bang palabas ang pinalusot ninyo at napaka-strikto kayo dito sa ‘ETIQUETTE FOR MISTRESSES’.
Ang butas ng karayom nakikita ninyo subalit ang butas ng palakol pinalalampas ninyo. Hindi naman yata tama yan!
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.