(Bitag New Generation)
MARAMI ang nakapanood sa segment na ipinalabas ng BITAG sa telebisyon noong Sabado at kahapon ng umaga, ang “CCTV.”
Krimen na kinasasangkutan ni Marvin Perez na kinilala at positibong tinukoy ng isang 21-anyos na lalaking biktima.
Ang pambubugbog, nangyari mismo sa loob ng ekslusibong subdibisyon sa Quezon City kung saan kapwa sila residente. Nasaksihan ng on-duty guard ang buong pangyayari.
Naidokumento ng mga closed-circuit television (CCTV) camera na naka-install sa bahagi ng gate ng village ang pananakit at panggigigil ng suspek. Nakita rin ang baril na ginamit sa panggugulpi pagbaba palang nito sa sasakyan.
Subalit, hindi dito natapos ang pambubugbog. Sa anumang kadahilanan, dinala pa ng suspek ang biktima sa kanyang bahay at ipinagpatuloy ang pananakit sa harap mismo ng kanyang misis at mga anak. Tumagal daw ito ng 15 minuto.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG sa Firearms and Explosive Division (FED) ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame, nabatid taong 2007 pa paso ang lisensiya ng baril ni Perez. Posibleng ito rin ang kanyang ginamit sa krimen.
Sa rekord naman ng Land Transportation Office (LTO) sa ginamit na puting Toyota Land Cruiser, lumalabas, walang lisensiya ang suspek. Hindi rin nakarehistro sa kanyang pangalan ang sasakyan.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), delikado ang estado na ito ni Perez, posible raw kasing maulit pa anumang oras ang kaparehong insidente.
Kahapon, ilang oras lang ang pagitan matapos naming ipalabas ang “CCTV” sa aking programang BITAG Live, personal na nagsadya si Marvin Perez sa aking tanggapan sa BITAG Headquarters.
Kung ano ang kanyang intensiyon, panoorin mamaya sa BITAG Live.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.