Sampaguita (166)

MASAKIT ang katawan ni Ram habang naglalakad sa masukal na bahagi ng bundok. Mabuti na lamang at ibi­nigay ng isang mabait na pulis ang puting t-shirt nito sa kanya. Nagkaroon ng proteksiyon ang kanyang katawan. Mahapdi pa rin ang kanyang sugat dahil sa mga tinik ng barbed wire. Hindi sana siya matetano. Pakiramdam niya, marami siyang tusok ng alambre sa tagiliran.

Pero sa kabila nang nararamdamang sakit at hapdi, hindi siya susuko sa paghahanap kay Sam. Hindi siya aalis sa kagubatang ito hanggat hindi natatagpuan ang kasintahan.

Nagpatuloy siya sa pag­lalakad. Pakapal nang pakapal ang mga kakahuyan. At pataas nang pataas ang ina­akyat niya. Parang walang katapusan ang kagubatan. Saan kayang direksiyon nagtungo si Sam? Sa sobrang kapal ng mga kahoy at damo sa lugar na ito, maaaring nagkaligaw-ligaw si Sam. Maaaring lakad nang lakad at hindi namalayang malayo na pala siya. Hanggang sa hindi na niya malaman kung saang direksiyon ang tinutungo.

May isang oras na marahil naglalakad si Ram nang may matanaw siya sa di-kalayuan.

Kubo! Isang kubo ang kanyang natanaw. Nakadama siya ng pag-asa. Sana ay mayroong tao sa kubo para mapagtanungan kung anong lugar na ito at kung may nakitang babae.

Nagmamadali niyang tinungo ang kubo.

Nang nasa harapan na siya ng kubo ay tumawag siya.

“Tao po! Tao po!’’

Walang sumasagot.

Inulit niya.

“Tao po! Tao po!’’

Wala pa ring sagot.

Ipinasya niyang pumasok na sa loob. Bukas ang pintuan. Bahala na kung ano ang mangyari!

Dahan-dahan siyang pumasok. Nakahanda naman siya kung sakali.

Hanggang sa nakapasok siya.

Nakita niya na may nakahiga sa papag!

(Itutuloy)

Show comments