MAY lason ang nalalanghap nating hangin araw-araw. Ayon sa pananaliksik ng isang grupo ng mga scientist, 3.3 milyong mamamayan sa buong mundo ang namamatay taun-taon dahil sa air pollution.
Namuno sa pag-aaral si Jos Lelieveld ng Max Planck Institute sa Germany na nagsabi sa pag-aaral na lumabas umano sa journal na Nature na ang maruming hangin na sanhi ng mga tulad ng ozone at tiny particle ay maaaring magdulot ng maagang pagkamatay ng 6.6 milyong tao bawat taon pagdating ng taong 2050.
Kabilang nga sa mga sinasabing nagiging sanhi ng air pollution ang mga usok mula sa mga sasakyan, pabrika, power plant, nasusunog na mga gulong at punongkahoy, mga elementong nagmumula sa air condition at refrigerator, usok mula sa bulkan, aerosol spray, waste incinerator, nuclear explosion, eroplano, barko, mga usok mula sa mga sandatang pinasasabog sa mga giyera, at kahit ang mga singaw na nagmumula sa mga hayop tulad ng mga baka. Kahit ang pagkakaingin ay nagdudulot din ng air pollution.
Ipinahiwatig din sa naturang pag-aaral na mayorya sa 3.3 milyong namamatay sa air pollution taon-taon ay nasa Asia na ang mga residential energy emission tulad ng mula sa heating at cooking ay merong malaking epekto. Maaaring dumoble ang bilang na ito sa susunod na 35 taon.
Binanggi ni Lelieveld na, sa ilang bansa, ang air pollution ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga tao at sa maraming bansa ay malaking isyu ito.
Kabilang naman umano sa mga sakit na ibinubunga ng air pollution ang sakit sa puso, stroke, o sakit sa baga tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Iniuugnay din sa air pollution ang pagkamatay ng mga may sakit na lung cancer at acute respiratory infections.