DALAWANG beses nang kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa umano’y mismanagement ng pondo at relief goods para sa mga nabiktima ng Bagyong Yolanda. Noong nakaraang taon, nagreport din ang COA hinggil sa mga hindi naipamahaging relief goods at nabulok lang umano sa mga bodega ng DSWD.
Sa report ng COA noong nakaraang Setyembre 10, sinabi na ang P382.072 milyon na donasyon (local at foreign) para sa mga biktima ng Yolanda ay nananatiling naka-locked sa DSWD accounts. Sinabi rin sa report na mayP141,084 milyon ang nabulok at na-expired na mga relief food packs, canned goods at mga noodle.
Sagot ng DSWD sa report ng COA, wala raw iregularidad na nangyayari sa tanggapan. Ang COA report ay bahagi raw ng government routine.
Magdadalawang taon na sa Nobyembre 8 ang pananalasa ng Yolanda sa mga probinsya sa Visayas at hanggang sa kasalukuyan marami pa rin sa mga biktima ang naninirahan sa bunkhouses. Lubhang kaawa-awa ang kalagayan ng mga nawalan ng ta-hanan na umaabot sa 890,895 pamilya. Mahigit 6,000 ang namatay sa bangis ni Yolanda at P89.6 billion ang halaga ng napinsala.
Maraming bansa ang nagpadala ng tulong sa Pilipinas makaraang tumama ang bagyo. Umano’y umaabot sa P73.31 billion ang naipadalang tulong nang maraming bansa. Hanggang ngayon, may mga foreign organization ang nakatutok sa mga biktima ng Yolanda.
Ang nakapagtataka, sa kabila na maraming tulong na dumating, mabagal ang recovery ng mga biktima. Hindi umuusad ang kanilang kalagayan. Patuloy ang paghihirap at marami ang nagugutom.
Hindi sapat ang sinabi ng DSWD ukol sa akusasyon ng COA, kailangang ipaliwanag nila nang malinaw kung bakit hanggang ngayon, patuloy ang kalbaryo ng mga biktima ng bagyo? Nararapat malaman ng mamamayan ang tunay na isyu.