MADALING gumawa ng bata, ang paggabay dito ay isang 24/7 na tungkulin.
“Tulungan ninyo po kami. Hindi namin alam kung anong gagawin ko sa anak ko. Nagwawala at hindi nakikinig,” ayon kay Victor.
Pangaralan o kausapin man ng maayos ng kahit na sino sa kanilang pamilya nagagalit na ang anak ni Victor Darato na si Angelo.
‘Family driver’ si Victor kaya naman nasa bahay siya ng amo araw-araw. Nakakauwi lamang daw siya ng kanilang bahay sa Malolos, Bulacan dalawang beses isang buwan pagkatapos ng sahod.
“Anim ang anak namin. Pangalawa si Angelo. Ang asawa ko ang lagi nilang kasama,” salaysay ni Victor.
Bata pa lang daw itong si Angelo pinoproblema na nina Victor. Inaakala nilang nag-aaral pero kwento ng kanyang asawa umuuwi na lang daw itong basang-basa ang damit.
Nalalaman na lamang daw nila na hindi na ito pumapasok at naliligo lang sa ilog. Pinagsasabihan nila ang anak pero hindi ito gaanong nakikinig.
“Ayaw niya talagang pumasok kaya Grade 4 lang ang tinapos niya,” sabi ni Victor.
Nagbarkada na lang daw ang kanyang anak at kahit na kausapin nila para bumalik sa pag-aaral ay hindi na ito nakikinig.
Ngayong bente tres na si Angelo nabalitaan nilang nababarkada ito sa mga taong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
“Pinagsasabihan namin na hindi maganda sa katawan ‘yan. Alam namin na gumagamit na siya ng shabu. Pinapangaralan namin pero hindi naman nakikinig,” pahayag ni Victor.
Nitong mga huling araw natatakot na ang misis ni Victor sa inaasta ng anak. Bigla-bigla na lang itong nagwawala. Kapag sinisita at pinagsasabihan ng ina at ng kanyang bayaw ay nagagalit pa ito.
Hindi din daw ito natutulog kaya’t lalo silang nababahala na baka manakit ito ng tao.
Alam nila ang kilos ng mga taong nalululong sa masamang bisyo. Wala sila sa sarili at hindi nakakakilala kung ano ang tama at mali.
“Sinubukan kong humingi ng tulong sa barangay namin pero wala daw silang magagawa,” ayon kay Victor.
Ang isa sa inaalala ni Victor lagi siyang wala sa kanilang bahay sapagkat kailangan niyang magtrabaho para sa mga anak.
Aminado siyang hindi nila gaanong masubaybayan ang anak dahil lagi itong umaalis. Natatakot silang may gawin itong hindi maganda at makasakit pa ng ibang tao.
“Lumalapit po ako sa inyo baka sakaling matulungan ninyo ako sa problema kong ito sa anak ko. Talagang hindi namin siya masaway. Baka may alam kayong pwedeng mapaglagyan sa anak ko at mailayo siya sa masamang bisyo,” salaysay ni Victor.
Mas malaking gulo at perwisyo daw kung sakaling magpatuloy sa ganitong ugali ang anak lalo pa’t maging sila sa bahay ay hindi na ito mapigilan.
Natatakot din daw sina Victor para sa kanilang kaligtasan sapagkat hindi nila alam kung sino ang nasa likod ng pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may mga lugar ang gobyernong maaaring paglagyan sa mga batang nalululong sa masasamang bisyo tulad ng shabu.
Ito ay ang paglalagay sa kanila sa isang ‘Rehabilitation Center’. Sisiguruhin nila na hindi makakahawak ito ng iligal na droga.
Ilapit ninyo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni Director Arturo ‘Art’ Cacdac.
Maliban pa dun bibigyan sila ng mga gawain na pwede nitong pagka-abalahan at mawala ang kanilang pagkatakam sa Shabu.
Kompleto ang kanilang ‘regimen’ dun o iskedule. May oras ng pagligo, pagkain at ng ilan pang mga bagay na ituturo sa kanila upang mas maging kapaki-pakinabang na indibidwal.
Kalimitan ang mga magulang hindi na nila inilalagay sa ganitong institusyon ang kanilang anak dahil sa kakulangan sa pera.
Sino ba ng dapat panagutin sa ganitong uri problema?
Ang isang anak ay hindi basta na lamang nagising na ganap na ‘drug user’ siya. May mga palatandaan na nagbabago na ang kanyang ugali at hindi na siya tulad ng dati.
Higit na mas importante ang inyong anak kaysa anumang trabaho meron kayo. Napakadaling gumawa ng bata subalit kaakibat dito ang responsibilidad na siguruhin ang kanilang kinabukasan ay maging maayos para na rin sa kanyang kapakanan.
Hindi maaring ipasa ang ating mga responsibilidad sa iba at sabihing hindi na nating kaya.
(KINALAP ni CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.