NOONG araw na palipat-lipat kami sa mga paupahang bahay, tinatamad bumili ng gamit sa bahay ang aking mga magulang. Mahirap nga naman na sa tuwing lilipat kami ng ibang bahay ay marami pang kakargahin na mabibigat na bagay. Ang tanging bitbit namin kapag maglilipat-bahay ay ang aming “rare and expensive closet”. Ito ay kahon na yari sa karton na pinaglagyan ng mga de latang sardinas. Dito namin itinatago ang aming damit.
Minsan, nakaaway ng aking ina ang aming landlady kaya’t kami ay pinalayas sa bahay nang ura-urada. Noon pa namang panahong iyon ay bihira ang nagpapaupa ng bahay kaya napilitan kaming bumalik sa ancestral house ng aking ama na marami rin nakatira. Maraming kapitbahay ang lihim na nagtawa sa aming kalagayan. Para raw kaming mga pusang-gala na walang mauwiang sariling pamamahay. Pero dedma lang kami. Manigas kayo sa pangungutya, wala kaming pakialam! Palibhasa ay wala kaming gamit, kinuha namin ang lumang bangko at maliit na mesa na nakatambak lang sa basement ng ancestral house para gawing dining set.
Sa bangkong iyon ako humihiga kapag nagde-daydreaming habang nagsisiyesta sa tanghali; aking upuan kapag gumagawa ng homework kung saan ang maliit na mesang kainan ay nagiging study table din. Hindi pantay ang mga paa ng bangko. Para magpantay ang paa at hindi gumewang-gewang ay sinisingitan namin ng mga tiniklop na diyaryo. Tawag ng mga kapatid ko—bangkong pilantod.
Buhay pa rin ang bangko hanggang ngayon at ginagamit pa rin namin dito sa Maynila. Pero pantay na ang kanyang mga paa. Inayos ng mga karpinterong gumawa ng aming bahay. Sa tuwing pagmamasdan ko ang bangko, may nadarama akong pagmamalaki. Naging simbolo ang bangko ng isang pamilyang minsang naging “pilantod” ang kabuhayan pero nagsikap sa halip na mag-self-pity. Ang mga nangutya sa amin noon? Hayun, pagewang-gewang pa rin ang buhay.