Kahapon humarap sa media ang Pangulong Noynoy Aquino at mismong sya rin ang nagsabing walang basehan ang sinasabing ‘alternative version ‘ o ‘alternative truth’ kaugnay sa Mamasapano incident.
Hindi nga ba’t siya rin mismo ang naghayag nito noong nakaraang linggo, at hindi maitatago eh lalung nagpainit sa damdamin ng mga kaanak ng nasawing SAF 44 at sinasabing nagbagsak sa moral ng hanay ng kapulisan.
Sa naturang bersyon kasi, sinasabi ng MILF na hindi ang SAF ang nakapatay sa internationa lterrorist na si Zulkipli bir Hir, alyas Marwan, na may patung na $5 -M sa ulo, kundi ang mismong malapit na tauhan nito na nagkainteres sa reward.
Inulan ng batikos si PNoy, dahil mukhang ang pinaniwalaan daw nito eh bersyon ng MILF at parang nabalewala ang isinagawang pagsusuri ng binuo niya na Board of Inquiry (BOI).
Lalong naghimasik ang damdamin ng mga kaanak ng nasawing trooper dahil nga naman hindi pa nga nakakamit ang hustisya sa pagmasaker sa kanilang mga mahal sa buhay, aba’y mistulang ininsulto pa.
Pero kahapon biglang-biglang nabago ang ihip ng hangin , kung sa bibig ni PNoy nagsimula ang kontrobersiyal na bersyon, siya rin nagsabi kahapon na wala raw basehan ang sinasabing alternative version sa Mamasapano kasabay ng paniniwala na ang PNP-SAF ang nakapatay kay Marwan na ito ay nasusuportahan ng matibay na mga ebidensya.
Hindi lang yan, abay, kahapon din sinabi ng DOJ na sa darating na Lunes isasampa ang kaso laban sa 90 indibiduwal na sangkot sa pagpatay sa SAF trooper .
May ibang paniwala dito ang ilan na baka may isinasalba lang ang Pangulo kung kaya biglang kumambiyo.
Tanong naman ng marami, bakit daw ngayon lang lumutang ang ganitong mga bersyon at bakit ngayon lang daw ba naniwala si PNoy na SAF nga ang nakapatay ay Marwan?
Sino raw kaya ang nasa likod ng ganitong pagpapakalat ng bagong bersyon at ano ang motibo?
Baka ang ganitong mga tanong ang dapat na sagutin at malinawan.
Kung sabagay hindi na mahalaga pa yan, basta ang malinaw bayani ang SAF 44, sila ang nakapatay sa international terrorist, at ang kanilang mga mahal sa buhay ay naghihintay pa rin sa hustisya.
Mapanagot na sana ang mga dapat managot.