KAPAG ikinikilos ni Ram ang katawan ay lalo lamang siyang nadidiin sa tinik ng mga alambre at bumabaon iyon sa kanyang tagiliran. Pawang may kalawang ang tinik ng alambre. Maaaring tetanus ang makuha niya. Pero sa pagkakataong ito, tila mas mabagsik kaysa tetanus ang nakaumang na baril ni Levi. Mukhang tutuluyan na nga siya ng sira-ulong si Levi.
Nang kumilos siya para maiiwas ang katawan sa tinik ng alambre ay idinikit ni Levi sa kanyang tagiliran ang nguso ng kuwarenta’y singkong baril.
“Sige gumalaw ka pa at babarilin kita! Kapag binaril kita, diyan ka na mamamatay. Hahayaan kitang nakasabit diyan at matutuyo ang bangkay mo. O kung hindi ka naman matuyo sa sikat ng araw, pag-aagawan ng mga alaga kong uwak ang bangkay mo, ha-ha-ha!”
Si Sam na nakikita ang mga nangyayari kahit nasa kabila na ng alambreng bakod ay takot na takot.
“Babarilin ka niya Ram. Babarilin ka ng baliw na ‘yan!’’
“Tumakbo ka na Sam, huwag mo akong alalahanin. Tumakbo ka na at humingi ng tulong. Sige na, Sam!”
“Hindi kita maaaring iwan, Ram! Patayin na niya tayong dalawa pero hindi ako aalis!’’
“Kaya ko na ito, Sam. Umalis ka na!’’
Umiyak si Sam.
Sinunod niya si Ram. Dahan-dahan siyang humakbang papalayo.
Nang makita ni Ram na umalis na si Sam ay nagtawa siyang bigla. At pagkatapos ay hinamon si Levi.
“Sige Levi, patayin mo na ako! Barilin mo na ako!’’
Nagtawa si Levi. Parang sa demonyo kung magtawa ito.
“Huwag kang magmadali at darating tayo diyan. Uunti-untiin ko ang pag-aalis sa hininga mo.’’
“Baliw ka, Levi!’’
“Oo. Baliw nga ako. Matagal ko nang alam na baliw ako. At dahil baliw ako, maaari kitang patayin na hindi ako mapaparusahan. Di ba?’’
Natahimik si Ram. Malaki na nga ang sira sa ulo ni Levi. Mabuti na lamang at nakinig si Sam sa kanya. Sana makahingi ng saklolo si Sam at nang mailigtas siya. Pero malayo pa ang lalakbayin ni Sam bago makarating sa kabayanan. Gubat pa rin ang lalakbayin ni Sam.
Parang nabasa naman ni Levi ang iniisip ni Ram ng mga sandaling iyon.
“Parang hinanap ni Sam ang sarili niyang libingan, ha-ha-ha! Nakinig kasi sa’yo. Alam mo bang mas maraming mababangis na hayop sa pinuntahan niyang lugar? Kung dito sa lupain ko ay maraming mabangis na ahas at linta, sa pinuntahan niya ay may killer bees. At baka sa sandaling ito ay pinagpipistahan na siya ng mga killer pukyutan, ha-ha-ha!”
“Patayin mo na ako Levi! Kapag hindi mo ako pinatay at nakalaya ako rito, ikaw ang papatayin ko.’’
“Hinahamon mo ba ako?’’
“Oo. Barilin mo na ako. Barilin mo na ako!”
“Kung yan ang gusto mo, wala akong magagawa. Ikaw ang humiling niyan.’’
“Marami ka pang satsat Levi! Barilin mo na ako!”
BANG! BANG!
(Itutuloy)