ISANG lalaki ang pumasok sa flower shop. Itinanong ng lalaki kung magkano ang magiging presyo ng bouquet of flowers na pinili niya upang ipadeliber ng 10 sunud-sunod na Miyerkules sa kanilang bahay para sa kanyang Misis.
Ang lalaki ay isang sundalo na nakatakdang idestino sa Mindanao ng anim na buwan. Sanay ang kanyang Misis na binibigyan niya ito ng bulaklak tuwing Miyerkules. Araw kasi ng Miyerkules sila nagkakilala 10 years ago. Gusto niyang patuloy itong makatanggap ng bulaklak kahit siya ay nasa Mindanao.
“Sir, two months and a half lang ang 10 Miyerkules. Dapat ay higit pa rito ang inyong orderin dahil sabi mo’y six months kang mawawala.”
Napangiti ang sundalo na parang nahihiya. Matagal bago nakasagot. “Ten deliveries lang ang kaya kong bayaran. ‘Yung natitirang Miyerkules, bahala na akong maghanap ng flower shop sa Mindanao. Iipunin ko pa ang susuwelduhin ko sa darating na mga buwan.”
May naisip ang may-ari ng flower shop. “Ipagpapatuloy ko ang pagpapadala ng bulaklak sa iyong misis hanggang anim na buwan. Saka mo na lang bayaran pagbalik mo dito sa Maynila. Nanghihinayang ako sa sweetness mo. Kawawa din si Misis at mabibitin lang. Isa pa, hindi sure kung may flower shop sa pupuntahan mo. Mukha ka namang mabait at mapagkakatiwalaan. Kaya okey lang na pautangin kita.”
Pumayag ang sundalo. Pagkaalis nito ay saka nagsalita ang assistant ng may-ari ng flower shop na kanina pa nakikinig sa usapan ng kanyang amo at ng sundalong kostumer.
“Mam, bakit ka nagtiwala kaagad? Malaking pera din ang itataya mo sa iyong pagtitiwala. Gaano ka kasigurado na babalikan ka para bayaran?”
“Hundred percent akong nakakaseguro na babalik siya. Una, sundalo siya. Kapag sundalo, mataas ang tsansa na marangal siya. Ikalawa, mahal na mahal niya ang kanyang Misis at hindi niya gugustuhing mula sa pambabalasubas manggagaling ang magagandang bulaklak na ipapadala niya.”