HAMON kay DILG Sec. Mel Senen Sarmiento ang patuloy na tong collection activities ni Ryan Bacordo, alyas Ryan Batangas, at mga kaalyado n’ya para sa opisina n’ya sa Calabarzon area. Matatandaan mga kosa na si Bacordo ay nangongolekta ng tong sa lahat ng ilegal sa Calabarzon para sa opisina ni dating DILG Sec. Mar Roxas. Subalit dahil nag-aambisyon na maging presidente ng bansa si Roxas, hindi siya makagalaw laban sa mga naglilipanang tong collectors, at pati na sa illegal gambling, at baka mapurnada ang tsansa niya. Subalit pinalitan na ni Sarmiento si Roxas noong nakaraang linggo kaya baka mabago ang ihip ng hangin at biglang habulin nitong una hindi lang si Bacordo kundi maging ang iba pang tong collector tulad ni SPO3 Roberto “Obet” Chua ng CIDG sa Maynila, at iba pa. Boom Panes! Hehehe! Ang daming lilinisin ni Sarmiento na mga bulok sa hanay ng pulisya, di ba mga kosa? T’yak ‘yun!
Para sa kaalaman ni Sarmiento, ang kinukuha ni Bacordo sa mga gambling lords, paihi at putahan sa Calabarzon ay yung para sa Office of Internal Security (OIS) niya at maging ang para kay DILG Special Police Assistant (SPA) Chief Supt. Bart Tobias. Ewan ko lang kung alam ng kababayan kong si Tobias ang pananalasa ni Bacordo sa Calabarzon gamit ang pangalan niya. Subalit ang tinitiyak ng mga kosa ko, na hindi pa abot ni Sarmiento itong ginagawa ni Bacordo at malaki ang tsansa na mabukulan siya, di ba mga kosa? Tumpak! Hehehe! Anong malay ni Sarmiento sa kalakaran sa illegal gambling kung hindi siya turuan ng mga tulad ni Bacordo? Boom Panes! Kung sabagay, hindi lang ang OIS ni Sarmiento at SPA ni Tobias ang kinokolekta ni Bacordo kundi maging ang para sa opisina ni CIDG director Chief Supt. Victor Deona, NBI director Virgilio Mendez at ang media, di ba kosang Cris Ibon Sir! At kasama si Atty. Gerry Asuncion, dumadampot din sa Bacordo para sa opisina ni Calabarzon director Chief Supt. Richard Albano. Hehehe! Kanya-kanyang raket lang ‘yan!
Napag-usapan na din lang ang raket, dapat din arukin ni Sarmiento ang modus operandi ng mga elemento ng NCR Fire District 1 sa Maynila para kumita. Nag-iikot kasi ang mga miyembro ng naturang fire district sa Sampaloc area at kinukumbinsi ang mga business owners na bumili ng fire extinguisher. Maganda sana ang layunin ng mga fire inspectors na sina SFO1 Andres Complido Jr., at FO3 Gener Blanquesa dahil sa mabigyan lunas kaagad ang sunog kapag may fire extinguisher ka. Kaya lang narumihan ang lakad nitong sina Complido at Blanqueza dahil ang gusto nila sa kompanyang A5RAY Ent., bumili ng fire extinguisher ang mga kausap nila sa halagang P2,500. Ayon pa sa mga fire inspectors P2,800 ang halaga ng fire extinguishers subalit may bawas kapag binanggit ang pangalan nila. Owwww? Pero nagtanong ang ilang business owners at sinabing tig-P1,000 lang ang fire extinguishers sa ibang kompanya. Nang sabihin nila ito kina Complido at Blanqueza, ang sagot nila ay baka hindi ISO ang kompanyang napagtanungan nila. Boom Panes! Hehehe! Ang daming dahilan nitong mga fire inspectors, eh maliwanag pa sa sikat ng araw ang raket nila, di ba mga kosa? Ang masama pa DILG Sec. Sarmiento Sir, bago umalis, humihingi pa ng honoraria na P1,500 ang mga fire inspectors sa mga kausap nila! Kung hindi raket ito, ano ang tawag sa kinikilos ng fire inspectors, ha mga kosa? Kung sabagay, hindi lang sa Sampaloc natin maririnig ang raket ng mga fire departments kundi maging sa iba pang sulok ng Metro Manila at sa buong bansa. Tumpak!
Sa totoo lang, hindi lang tong collectors at raketers sa Bureau of Fire, kundi maging ang PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno na sa ilalim ng pangangasiwa ni Sarmiento ang nagbabantay sa mga galaw niya nitong mga unang araw n’ya sa DILG. Inaarok nila kung siya ba ay matikas o kaya ring bilhin ng salapi. Abangan!