---ng aming kakanin sa araw-araw…
ISANG bahay ampunan na pinatatakbo ng mga madre sa isang probinsiya ang nalubog sa bahang dulot ng typhoon Pedring noong 2011. Awa ng Diyos ay nagdatingan naman ang tulong mula sa gobyerno at mga NGO ngunit ito ay hindi sapat sa dami ng mga bata sa ampunan.
Isa si Mayor sa mga tumutulong sa pangangailangan ng bahay ampunan. Napansin niyang unti-unti nang nauubos ang mga relief goods habang lumilipas ang mga araw. Kinausap ni Mayor ang madreng namamahala ng bahay ampunan.
“Sister, hindi kaila sa iyo na patuloy pa rin ang pananalasa ng bagyo. Ang baha ay hindi pa humuhupa. Ang mabuti siguro ay tipirin natin ang pagbibigay ng pagkain sa mga bata. Sa halip na isang pack na noodles per meal sa bawat bata ay kalahating pack na lang ang ating ibigay per child nang sa ganoon ay tumagal ng isang buwan ang istak nating pagkain. Pakonti-konti lang ang dumarating na tulong. Baka sa susunod na araw ay wala nang dumating.”
“Mayor, pagdating sa pagkain, tipirin na ang matanda, ‘wag lang ang bata. Kawawa naman sila. Pero don’t worry, sa kakaunting relief goods na natatanggap natin. Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Di ba’t kapag tayo ay nagdadasal ng Ama Namin, ang ipinapakiusap natin sa Diyos ay…. Bigyan mo po kami ng aming kakanin sa araw-araw. So that means, araw-araw ay may darating na biyaya sa atin. Wala lang tayong gagawin kundi maniwala.”