‘Paperless transaction sa Customs’

NAGGAGALING-GALINGAN na naman itong si palpak  Commissioner Alberto Lina ng Bureau of Customs (BOC).

Bagsak kasi sa koleksyon kaya kung ano-anong suntok sa buwan na solusyon ang gustong ipatupad sa kaniyang bakuran. Siya rin ang may ideya na buksan ang bawat balikbayan box ng mga overseas Filipino workers, nakatikim tuloy ng batikos at hambalos ng publiko.

Paperless transaction naman ngayon ang gustong i-implementa ni Lina. Ito raw ang magiging sagot para matuldukan na ang korupsyon sa BOC.

Hindi naniniwala ang BITAG Live sa sistemang ito, bagkus lalo lang paiigtingin ng paperless transactions ang malakawakang smuggling dahil wala nang panghahawakang ebidensya.

 Mahirap nang matukoy at ma-trace ang bawat transaksyon dahil ang computerized record ng mga importer, napakadali lang na mamanipula ng kung sinumang nasa likod ng computer. 

Kung talagang seryoso ang gobyerno na matigil na ang smuggling activities sa bansa at mapataas ang buwanang koleksyon, inward foreign manifest (IFM) ang dapat solusyon. 

Ang problema, nagmumukha na akong sirang plaka sa paulit-ulit na pagmumungkahi nito, pero ang mga namumuno kung hindi nagbibingi-bingihan, dini-dedma lang.

Hindi sila sang-ayon sa IFM kung saan matutukoy na agad ang mga kargamento na papasok sa bansa mula sa point of origin o lugar na pagmumulan ng mga produkto bago pa man duma-ting sa mga aduana.

Maliban dito, dapat magtalaga si Pangulong Noy Aquino ng independenteng grupo na walang anumang interes o magsisilbing customs duties/revenue enhancement watchdog sa operasyon ng Customs para matigil na ang mga iregularidad.

Hindi pabor dito ang pamahalaan. Marami sa mga “patron” ang hindi sang-ayon.

Mismong si Customs Deputy Commissioner Jesse Dellosa na ang nagsabi, maraming mga opisyales ng ahensya ang kasapakat ng mga smuggler na kinakanlong ng mga kongresista, senador at gabinete kaya hindi matigil-tigil ang smuggling.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

 

Show comments