ISANG araw iyon ng 1912, tuwang-tuwa na tinanggap ng pamilya Clark ang passport na gagamitin nila sa kanilang paglalakbay sa America. Pagkatapos ay bumili sila ng ticket sa barko na balitang bago raw gawa at makabago ang mga pasilidad. Mahirap ang buhay nila sa Scotland kaya nangarap silang mag-asawa na lumipat sa America upang doon makipagsapalaran. Nagsikap silang makaipon ng maraming pera upang gastusin sa kanilang paglalakbay.
Isang linggo bago sumapit ang pag-alis nila, ang bunso nilang anak ay nakagat ng aso. Noon ay may regulasyon sa kanilang lugar na kapag ang isang miyembro ng pamilya ay nakagat ng aso, sasabitan ng yellow ribbon ang bahay ng pamilya bilang identification na sumasailalim ang buong pamilya sa quarantine. Habang under observation ang bunso sa posibleng rabies, lahat ng kapamilya ay hindi puwedeng lumabas ng bahay o makihalubilo sa mga kapitbahay ng dalawang linggo. Isa lang ang ibig sabihin, hindi sila matutuloy patungong America. Paano na ang ticket? Mauuwi lang ito sa wala. Naiyak ang ama sa kamalasang nangyari sa kanila. Sa sobrang sama ng loob, pinagalitan niya ang anak na nakagat ng aso. Hindi raw kasi nag-iingat. Gabi na ay kakalat-kalat pa sa kalye.
Makalipas ang mahigit na isang linggo, kumalat ang malagim na balita sa Scotland: Lumubog ang barkong Titanic at maraming pasahero ang namatay. Kinilabutan ang pamilya Clark. Iyon ang barkong nakatakda sana nilang sakyan. Niyakap ng ama ang bunsong nakagat ng aso. “Iniligtas mo ang buong pamilya!”.
“Justbecause something didn’t work out according to the way you planned it, doesn’t mean it didn’t work out for the best. Blessings are often disguised as pain first.”