POSITIBO ang publiko sa naging resulta sa pagmamando ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Pero ‘yan ay pansamantala lamang na umayos ang resulta kumpara sa nakaraang mga sitwasyon at kung ating susuriin ay hindi naman lubusang naresolba ang problema sa trapiko.
Personal kong naranasan na bumiyahe sa kahabaan ng EDSA at para wala namang pinag-iba sa bagal ng usad ng trapiko.
Halos tatlong oras pa rin ang itinagal ng aking biyahe mula sa Quezon City patungo sa Makati City.
Mula EDSA Timog hanggang Santolan southbound ay gapang at super bagal ng daloy ng sasakyan kahit maraming nakabantay na HPG.
Luluwag lamang ang trapiko mula Ortigas EDSA hanggang Guadalupe pero patungo ng Buendia at Ayala EDSA ay muling babagal.
Hindi dapat sisihin ang HPG dahil ginagawa naman nila ang misyon para ayusin ang trapiko.
Sumatutal, bahagyang nabawasan ang problema sa trapiko sa EDSA mula Balintawak at Pasay Taft pero hindi lubusan dahil kailangan ang tunay at pang matagalang solusyon dito.
Dapat ay ipursige ng gobyerno ang mabilisang pagdagdag ng mga bagon ng MRT at tiyaking maayos ang biyahe nito dahil tiyak na maraming motorista ang magpapasyang huwag gumamit ng sasakyan patungong Makati mula Quezon City.
Ang pagpapabuti sa operasyon ng MRT at maging ng LRT ang isa sa dagliang solusyon na maaring gawin ng gobyerno upang maibsan ang problema sa trapiko kasabay naman ng pagpapatupad ng HPG sa mahigpit na batas trapiko at patinuin ang mga abusado at walang disiplinang drayber sa EDSA.