Ayun na nga, nagkaalaman na sa EDSA.
Simula noong Lunes hanggang kahapon aminado ang marami na kahit papaano ay may nabago sa daloy ng trapiko sa EDSA. Ito ay simula nang mag-take-over ang PNP-Highway Patrol Group (HPG)sa pagsasaayos sa trapiko dito, kapalit ng MMDA.
Noong Lunes nakita na bahagyang lumuwag ang daloy ng trapiko sa may 23.8 kilometro ng EDSA, bagamat may ilang lugar pa rin na masasabing masikip ang trapik, ito naman ay pinag-aaralan na ng HPG kung papaano maisasaayos.
Hindi nga naman ito ‘magic’ na isang kislap ay agad-agad ang aliwalas, lalu pa nga at matagal na panahon na dumanas ng kalbaryo ang maraming motorista sa pinag-uusapang lugar.
Ang maganda rito, may nabago at sana ay patuloy na may mabago.
Hindi lang ang daloy ng trapiko ang bahagyang nabago sa EDSA kundi maging ang nagaganap na aksidente, na mismong MMDA ang umamin na bumaba ang bilang simula nga noong Lunes.
Malaking factor na may authority ang HPG na kinatatakutan kumpara sa traffic enforcers ng MMDA.
Sana nga ay magtuluy-tuloy ang ganitong pagsasaayos.
Sana ay tuluyan nang matukoy at mabigyan ng solusyon ang mga bagay na nakita nilang depektibo sa EDSA, wag sanang tumigil, hindi sana sa umpisa lang, hindi sana ningas kugon lang.