Lalaking syonget
WALANG permanenteng trabaho. Natural, laging walang pera. Hindi na nga matangkad, mukha pang butete na parang may limang buwang dinadala sa sinapupunan. Mas pogi pa rito si Babalu, kung tutuusin. Pero ang lupit ng sex appeal – dalawa ang kabit!
Siyempre noon una ay nagwala si Misis. Nabigwasan pa nga nito ng isang matinding upper cut ang kabit noong unang malaman niya na may relasyon ito sa kanyang asawa. Kaso sa bandang huli ay kumalma na rin si Misis. Naisip niyang magpagulong-gulong man siya sa Edsa, wala na siyang magagawa. Babaero talaga ang asawa niyang syonget.
Ilang buwan pa lang ang lumipas simula nang tanggapin ni Misis na may kabit ang asawa, heto na naman ang hatid na balita ng isang kakilala – may bagong kabit na naman siyang susugurin, isang kagawad daw ng katabi nilang barangay. Putcha at may posisyon pa kung pumili! Ang unang kabit ay isang sekretarya sa law firm. Wow! Hindi just-just (basta-basta) ang mga kinakabitan ng lalaking syonget. Pagkatapos mapatunayang totoong nag-e-exist ang ikalawang kabit, kumalma muna si Misis. This time, pinigilan niyang maimbiyerna. Tutal magpakamatay man siya sa galit, ang asawa niya ay walang pag-asang bumait.
Umuwi man o hindi sa kanya ang asawa ay wala na siyang pakialam. Kunwari ay tinuturukan niya ng invisible anaesthesia araw-araw ang kanyang puso para mawalan ng pakiramdam. Wala naman itong naibibigay na pera sa kanya kaya ano ang hahabulin niya dito. Palibhasa ay open book ang pagiging babaero, tanggap na ito ng mga anak nila na nasa edad sampu hanggang labinglima.
Minsan ay hindi nakauwi si Misis buhat sa pinagtatrabahuhan nitong candy factory. Biglaan ang pagpapa-overtime sa kanila ng supervisor. Alam niyang walang pera ang syonget niyang asawa nang panahong iyon pero tinawagan pa rin niya ito:
“Magdamag akong mag-o-overtime. Hanggang tanghalian lang ang iniwan kong pagkain sa mga bata. Umuwi ka sa bahay at dumilihensiya ka ng hapunan nila.”
“Don’t worry labs, hindi magugutom ang ating mga anak. Ako ang bahala.”
Gusto niyang sagutin ng lablabin mo ang mukha mo, pero baka uminit ang ulo at mga anak nila ang pagbalingan at pabayaang magutom.
Alas-siyete na nang umaga nang dumating si Misis sa bahay. Kumakain na ang kanyang mga anak ng agahan. Napansin niyang may pansit at pritong longganisa sa mesa.
Kain na Mama habang mainit pa ang pansit. Ang longganisa ay bigay ni Kabit Uno kagabi. Ang pansit naman ay kanina ibinigay ni Kabit Dos.
Ganoon ang kanilang mga anak. Ginagawa na lang biro ang pangyayari sa kanilang buhay. Sila ang nagbigay ng binyag sa dalawang kabit ng ama. Kasundo nila ang dalawang kabit. Hindi lang pagkain. Minsan ay inaabutan pa ng baon ang mga bata kapag alam na kinakapos sa budget ang pamilya. Siguro ay nagpapagalingan ang dalawang kabit kaya pati mga bata ay sinusuyo. Hanggang ngayon ay isang malaking palaisipan sa mga kapitbahay kung ano ang “pangungulam” na ginawa ng lalaking syonget para magawa niyang pakalmahin, meaning walang sabunutang nangyayari sa pagitan ng dalawang kabit. Isama na dito ang pagiging “generous” sa pamilya nito. Ang masabi ko lang: Syonget man at duling, kapag may amulet, sa lovelife laging ginagaling
- Latest