WALANG aasahan sa Department of Trade and Industry (DTI) na laging nalulusutan ng mga kompanya ng langis kung ang presyo ng mga pangunahing bilihin ang pag-uusapan. Saan naman nakakita na 11 linggo sunud-sunod na nagbaba ng presyo ng petroleum products ang mga kompanya ng langis pero walang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang presyo ng sardinas, cup noodles, pandesal at marami pang iba ay nananatili pa rin kahit mababa na ang gasolina. Wala ring paggalaw sa pamasahe. Dati pa ring presyo ang namamayani kahit na maraming beses nang nag-rollback. Sobra-sobra na ang kinita ng mga negosyante sa pagbaba ng gasoline dahil dati pa rin ang presyo ng basic commodities. Kaya patuloy na yumayaman ang mga negosyante at wala namang pagbabago sa buhay ng mga karaniwang Pinoy. Nakinabang nang husto ang mga negosyante sa mga dupang din namang kompanya ng langis.
Kahapon ay biglang sumipa ang presyo ng petroleum products at binawi ang mga nangyaring rollback sa loob ng 11 linggo. At sobrang laki ng itinaas sa presyo. Sa gasolina ay nagtaas ng P1.75; sa diesel ay P1.95; at sa kerosene ay P1.85.
Kakatwa ang nangyayari na kung mag-rollback ay pasingku-singkuwenta sentimos pero kung magtataas ay halos P2. Niloloko na ba ng mga kompanya ng langis ang mamamayan sa ganitong taas at baba ng kanilang produkto? Wala namang masabi ang Department of Energy kundi epekto raw ng pagtaas sa pandaigdigang pamilihan. Laging ganito na lang ang nangyayari.
Sabagay wala namang magagawa ang karaniwang mamamayan kung ito ang dinidikta ng mga oil producers pero sana naman, kumilos ang DTI at iba pang ahensiya kung may pagbaba sa presyo ng oil products at agad na isunod ang pagbaba naman ng presyo ng pangunahing bilihin. Bago makakilos ang DTI, nakapagtaas na naman ang mga kompanya ng langis. Kawawa naman ang mga dukha sa bansang ito na lagi na lamang mabigat ang pinapasan.