NUNG tayo’y nasa kinder at natutunan natin ang Nursery Rhyme na ‘Humpty Dumpty’. Sa unang dinig parang mababaw ang kantang ito subalit malalim ang ipinahihiwatig kapag hinimay ang mensahe.
Ang anumang bagay na buo kapag nasira, hindi na maibabalik pa sa dati niyang lagay.
“Nang maaksidente ako bali ang buto sa kaliwa kong paa. Nangako sila na bibigyan ulit ako ng trabaho pero wala na akong narinig mula sa kompanya,” ayon kay Leo.
Dating nagtatrabaho sa Papua New Guinea ang limampu’t pitong taong gulang na si Leonardo “Leo” Calucag.
Maraming lugar na ang pinagtrabahuan ni Leo tulad ng Qatar at Saudi.
‘Electrical Technician’ si Leo sa Kentz Company. Maayos ang pagpapasahod sa kanya ng kompanya kaya’t pinagbubutihan niya ang kanyang trabaho.
Ika-11 ng Marso 2014…nagkabit ng CCTV Camera sa bakod si Leo. Nadulas siya at bumagsak sa lupa. Nabali ang buto sa kaliwa niyang paa.
“Iniuwi naman nila ako dito sa Pilipinas. Sila ang gumastos ng pagpapaopera ko at pagpapagamot. Pati therapy sila din ang sumagot. Kompleto nila itong binayaran,” kwento ni Leo.
Sa loob ng apat na buwang pagpapagaling niya ay sinuswelduhan pa din naman siya ng kompanya.
Nagkaroon din sila ng kasunduan na kapag umabot ng anim na buwan at hindi pa siya nakakalakad ng maayos ay bibigyan siya ng ‘lump sum’ na nagkakahalaga ng isang daang libong piso.
Ito ay depende sa sasabihin sa kanila ng doktor na sumusuri kay Leo.
“Paglipas ng anim na buwan hindi pa rin maayos ang kondisyon ko kaya ibinigay nila ang ipinangakong pera,” salaysay ni Leo.
Bukod dito ang usapan ay paggaling niya may trabahong naghihintay sa kanya.
Nagpatuloy sa Physiotherapy si Leo upang tuluyan nang gumaling at makabalik na sa pagtatrabaho para sa pamilya.
Nang sabihin ng doktor na ‘fit to work’ na siya nagpunta siya sa opisina nila dito sa Manila upang ipaalam na magaling na siya.
“Sabi ng kinatawan ng kompanya ‘overage’ na daw ako kaya wala na silang maibibigay na trabaho,” ayon kay Leo.
Nawalan ng pag-asa si Leo sa kanyang narinig. Inisip niyang ilaban ang kanilang napag-usapan at ipinangako sa kanya. Ilang ulit siyang nagtanong ngunit pareho lang ang isinasagot sa kanya.
“Hindi ko naman kagustuhan na maaksidente ako. Talagang nadisgrasya at ganito ang kinalabasan. Yung pinangako nila mababalewala lang ba yun?” sabi ni Leo.
Nais malaman ni Leo kung may maaari ba siyang gawing hakbang upang mabigyan siya ng trabaho ng dating kompanya. Ito ang inihihingi niya ng payo sa aming tanggapan.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ipinagamot ka ng iyong kompanya, lahat ng pangangailangan mo kabilang ang therapy ay ibinigay nila sa iyo dahil naaksidente ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin.
Kung totoong nangako ang kompanya sa kanya na bibigyan siya ng trabaho kapag siya’y magaling na maaari niyang kausapin ang taong nagbitiw ng ganitong salita.
Dalhin niya doon ang pinirmahan nilang kasunduan at ipaalala niya kung anu-ano ang mga nakasulat para masuri nila itong mabuti at mapag-usapan ano pa ang dapat tuparin kung ano na nga ba ang nangyari sa mga nakasulat dito.
Kung sakaling ‘overage’ na si Leo at wala nang trabaho ang bukas para sa kanya gayung pinangakuan siyang may babalikan siyang trabaho, ito ay tinatawag na ‘Breach of Contract’
Paglabag sa isang kasunduan na maari niyang kasuhan ng sibil at humingi ng danyos sa pamamagitan ng kanyang recruiter at sa kumpanya sa Papua New Guinea.
Maari din siyang pumunta sa National Labor Relations Commission (NLRC) para magkaroon ng ‘conference’ sa representative ng recruitment agency na East West Placement Center Inc. sa Makati at siya sa harap ng isang ‘Adjudication Officer’.
Bukas naman ang aming pitak para sa panig ng Kentz upang mailahad ang kanilang dahilan o makapagbigay ng paliwanag sa naging kasunduan at kinahinatnang ito ni Leo.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.