Batang babae, naging adik sa yosi at beer makaraang ma-coma ng 5 araw
LUBHANG kakaiba ang nangyari sa tatlong taong gulang na batang babae na si Ya Wen mula nang masagasaan ng isang van at na-comatose ng limang araw. Mula nang makaligtas sa aksidente, nagpakita na ng kakaibang ugali at kilos si Ya Wen, nahilig siya sa paninigarilyo at pag-inom ng beer.
Ayon sa mga magulang ni Ya Wen, napansin nila ang pagbabago sa ugali ng anak makaraang lumabas sa ospital. Naging adik ito sa sigarilyo at kayang ubusin ang isang kaha o 20 sticks ng yosi maghapon. Bukod sa pagyoyosi, nahilig din sa beer si Ya Wen.
Ayon pa sa ina ni Ya Wen na si Mrs. Gao, nahuhuli niya ang anak na naninigarilyo sa toilet. Ang sigarilyo ng ama nito ang inuubos nito sa maghapon.
Para matigil sa paninigarilyo ang anak, ipinasya ng ama na tumigil sa paninigarilyo para wala nang kukunin si Ya Wen. Ipinasya rin nilang lumipat ng tirahan sa siyudad.
Ang problema, kapag nakakakita ng naninigarilyo si Ya Wen ay umiiyak ito at gusto ring manigarilyo.
Hindi malaman ng mag-asawa kung ano ang gagawin para matigil ang anak sa pagka-adik sa yosi. Maski ang mga doktor na tumingin kay Ya Wen ay labis na nagtataka sa nangyari sa bata.
* * *
Croatian teenager, nakapagsalita ng German makaraan ma-coma ng 24-oras
NA-COMATOSE ang tinedyer na si Sandra Ralic, 13, isang Croatian dahil sa isang aksidente. Sanay na sanay sa pagsasalita ng Croatian si Sandra bago ang aksidente na naging dahilan ng kanyang pagka-comatose sa loob ng 24-oras.
Pero ganoon na lamang ang pagkagulat ng kanyang mga magulang nang magising ito at hindi na Croatian ang sinasalita kundi German. Napakahusay magsalita ng German ni Sandra at maski ang mga doktor ay lubhang nahiwagaan sa tinedyer.
Ayon sa mga magulang ni Sandra, nag-aral ito ng German sa kanyang school sa Knin, southern Croatia, pero hindi pa ito gaanong marunong. Labis ang pagtataka nila sapagkat nalimutan ang Croatian na salita at naging mahusay sa German.