NOONG mga bata pa aking kaibigan, si Nela, sila ang pina-kamahirap sa magpipinsan sa angkan ng kanyang ama. Sa magkakapatid ng kanyang ama, ito lang ang hindi nagkaroon ng negosyo dahil wala siyang hilig magnegosyo. Mas pinili nitong sakahin ang bukid na ipinamana ng mga magulang. Ang pinakaangat ang kabuhayan sa magkakapatid ng kanyang ama ay ang panganay nitong kapatid na babae. Dati itong magtitinda ng karne sa palengke. Sinuwerteng makakilala ng mga intsik na may restaurant sa probinsiya. Ginawa siyang supplier ng karne hanggang sa naisipan na rin ng kanyang tiya na magtayo ng isang restaurant.
Kapag bakasyon, sa kagustuhang magkaroon ng ekstrang pera, pumapasok si Nela na all-around helper sa restaurant. Paminsan-minsan ay sa resraurant nagtatanghalian o naghahapunan ang kanyang mga pinsan. Walang pakundangan kung sabihan siya ng tanga kapag nagkamali siya ng ulam na naibigay dito.
Noong nasa high school siya ay ipinagbili ng kanyang tiya ang restaurant dahil nanirahan na ang buong pamilya sa Amerika. Nang mauso ang Facebook ay saka lang si Nela nagkaroon ng komunikasyon sa kanyang mga pinsan. Tingin niya ay maganda ang buhay ng kanyang mga pinsan sa Amerika base sa pictures na ipino-post ng mga ito sa Facebook. ‘Yung lalaki niyang pinsan, at least once a week ay may ipino-post na kumakain sa mukhang mamahaling restaurant. Laman ng status update ang pagpapa-change oil ng kanyang BMW. Habang nakabandera ang picture ng kanyang pinsan naka-Amerkana sa tabi ng BMW. Ang iba niyang pinsang babae na nakatira sa ibang state ay post naman nang post ng mga bagong biling gamit kagaya ng alahas, bag, etc. Sabagay, bata pa sila ay mahilig nang magpasikat ang mga ito ng kanilang mamahaling gamit.
Si Nela, sa kabila ng kahirapan ay naging Accountant. Sinu-werte siyang nakapag-asawa ng abogado. Minsan ay naisama siya ng asawa sa isang business trip sa USA. Doon sila tumuloy sa bahay ng kanyang hipag na nagkataong nasa isang state kung saan naninirahan din ang kanyang pinsan na may BMW. Sa sobrang excitement ni Nela, tinawagan kaagad niya ang pinsan.
“Kuya Mel puwede ba akong dumalaw diyan sa inyo bukas. Gusto ko kayong makita ni Auntie.”
“Naku sayang, may mahalaga akong lakad bukas. Sina Mama at Papa naman ay isang buwang nagbakasyon kay Ate Terry. Malayo iyon. Nasa ibang state na.”
Noon ay Linggo. “Sa Martes or sa isang bukas…”
“Hindi kita masagot...ibigay mo sa akin ang landline number ng tinutuluyan mo d’yan at ako ang tatawag sa iyo kung kailan tayo magkikita.”
Kaso pabalik na sila sa Pilipinas pero hindi pa rin tumatawag ang pinsang si Mel. Halatang hindi interesadong makipagkita sa kanya. Isang taon ang lumipas, nalaman ni Nela na personal driver si Mel ng isang mayaman. Sa amo nito ang BMW. Kaya lagi itong nasa mamahaling restaurant ay dahil isinasama siya ng mabait na amo.
Confidence is silent. Insecurities are loud.