KABI-KABILA ang ginagawang drills o pagsasanay kaugnay sa napapabalitang matinding lindol na posibleng tumama sa Luzon lalo na dakong Kamaynilaan. Hindi natin alam kung kailan ito mangyayari pero mabuti na ang maging handa.
Dahil sa isyu ng paghahanda, naging popular tuloy ngayon ang tinatawag nating “grab bag,” isang bag na naglalaman ng totoong mahalaga sa panahon ng kalamidad, kasama na ang lindol at ang walang tigil na pagbisita ng bagyo sa panahong ganito. Puwede nga namang life-saving measures ito para sa atin. Sa panahon ng emergency, isang hablot lang sa bag na ito ang ating gagawin.
At sa gitna ng lahat ng mga bagay na posibleng isilid sa grab bag, hindi natin dapat kalimutan ang mga gamot na kung tawagin natin ay “maintenance drugs” (para sa mga kaanak nating diabetiko, may alta presyon, may sakit sa puso, may hika, at iba pang kondisyon). Ipinapayong maglaan ng mga tablet ng gamot na ito para rito.
Anu-ano pa ang dapat ilagay sa inyong backpack/ grab bag?
Flashlight at ekstrang baterya
Maliit na radyo (kung meron)
Silbato (whistle)
Lubid
Ilang kasuotang panlamig (hal. Jacket, sweater)
Inuming tubig (bottled water)
Mga kendi at biskuwit
Ilang gamot kontra lagnat, allergy, sakit ng tiyan, sakit ng ulo
Mga maintenance drugs para sa diabetis, alta-presyon, hika.
(Sa sunod na linggo, tatalakayin ko kung paano paghahandaan ang parating na bagyo.)