What if…

“NAIBENTA ko na ang bahay namin…” balita ng aking pinsang lalaki na kausap ko sa telepono. Pumanaw na pareho ang kanyang ama at ina.

“Magkano mo naibenta?” tanong  ko.

“Five million”

Napalatak ako. Tsk…tsk…Suwerte ng pinsan ko. Solo siyang anak ng aking tiyahin na kapatid ng aking ama. Isa lang ang bahay na iyon sa maraming ari-ariang naiwan sa kanya ng kanyang kinilalang mga magulang. Ampon lang kasi siya.

Bago siya dumating sa buhay ng aking tiyahin, isang pinsan kong babae na anim na taon ang binalak nilang ampunin. Pero dahil malaki na nang ampunin ito,  tuwing maiinip ay umuuwi ang pinsan kong ito sa kanyang tunay na pamilya. Mga limang bahay lang naman ang layo ng kanilang bahay sa bahay ng aking tiya na umampon sa kanya. Kaya ang ending isinauli na lang ang pinsan kong babae. Sahod lampin na lang daw ang aampunin nila. Meaning, aampunin kaagad ang baby pagkalabas sa sinapupunan ng ina.

Pagkaire ni Nanay sa akin, pabirong kinakausap si Tatay ng aking tiyahin. Siguro para light lang ang usapan. Hindi mabigat sa dibdib.

Sa akin na lang si ___. Ako na lang ang magpapalaki sa kanya.

Para namang nanghihingi ka ng tuta, sagot ni Tatay

Sige na. Bata ka pa naman. Gumawa ka na lang ulit.

Ha-ha-ha, parang gumagawa lang ng cake.

Eh, hindi napilit si Tatay. Ayaw talaga. Matigas ang paninindigan. (Natakot sigurong hindi na ulit  makabuo ng saksakan ng cute na baby). Kaya naghanap ng iba. At ‘yung kausap ko sa telepono ang pinalaki nilang parang isang tunay na anak.

Sa biglang isip, nakakainggit ang aking pinsan. Marami-rami din ang kanyang minana. Samantalang ako, maliit lang na ektarya ang mamanahin, may legal pang usapin kaming magpipinsan na kailangang iresolba.

Sabagay, marami rin sama ng loob ang naranasan ng aking pinsan. Hindi sila magkasundong mag-ama. Bungangero, masakit magsalita at mahilig mamalo. Noong bata pa kami, saksi ako sa pananakit sa kanya. May pagkakataong napaiyak ako nang makita kong hagupitin siya ng sinturon at metal buckle ang tumama sa kanyang katawan. Sa dami ng naipong  sama ng loob sa ama, bumaling siya sa masamang bisyo. Matagal siyang naospital dahil sumailalim siya sa “withdrawal process” yata ang tawag doon. Nang lumabas sa ospital pinili niyang tumira sa amin. Pero sandali lang iyon dahil nagmakaawa ang aking tiya. May posisyon at reputasyong pinapangalagaan ang aking tiya at tiyo. Marami ang magtataka kung bakit hindi sa sarili nilang bahay uuwi ang aking pinsan. Sa dami ng sakit – pisikal at emosyunal na naranasan  ng aking pinsan, kulang pa ang ari-arian minana niya.

Kung ipinaampon ako ni Tatay, ako ang makakaranas ng hindi magandang trato ng asawa ng aking tiya. Marami nga akong ari-arian na mamanahin, baka naman durog na durog ang aking pagkatao. Mabuti na lang...mahal ako ni Tatay.

               

               

             

Show comments