Kahapon binawian na rin ng buhay ang driver ng van na niratrat ng anak ng retiradong heneral sa insidente lamang ng ‘tamang hinala’ noong Martes ng gabi sa may Katipunan Avenue, Brgy. White Plains sa lungsod Quezon.
Dahil dito, dalawa na ang naitalang patay sa insidente.
Unang nasawi ang babaeng sakay ng van na si Joyce Santos, at sumunod na nga ang driver na si Ronebert Ycot.
Isa pa ang nasugatan sa pangyayari.
Ang suspect ay si Jose Maria Abaya, 50, anak ni ret. general Antonio Abaya, PC.
Niratrat ni Abaya ang puting van na minamaneho ni Ycot sa hinalang ito ang kukuha sa kanya para muli siyang dalhin sa rehab.
Ito palang si Abaya ay dati nang nasangkot sa pamamaril kung saan isang sekyu ang napatay nito noong Oktubre 2012 at isa pa rin ang nasugatan.
Delikado pala ang taong ito na basta na lamang nagpapaulan ng bala , ang nakapagtataka eh bakit nakapagdadala pa ito ng baril.
Sinasabing dalawang baril nito ang lisensiyado, pero ang ginamit nito noong Martes ng gabi na isang cal. 40 ay hindi nakarehistro.
Aba’y dapat matutukan ng kapulisan ang ganitong mga insidente o pangyayari.
Bakit kaya may dati ng rekord nang pamamaril , nakapagpaparehistro pa ng mga baril.
May rekord pa yan na tila ‘trigger happy’ o basta-basta na lang namamaril.
Sa ganitong pangyayari, siguradong mauungkat naman ang mga paghihigpit sa pagbibigay ng lisensiya sa mga baril.
Pero hindi lang yan ang dapat na matutukan , dapat isabay na rin dito ang tungkol sa nagkalat na mga loose firearms na malamang ay siyang madalas na nagagamit sa mga krimen sa lansangan.
Maramio na ang de-baril sa lansangan, kaya nga konting gitgitan lang sa trapiko nandyan ang magkakabunutan ng baril. Mas lalo pang inaasahan ang pagkalat ng boga sa mga lansangan lalu na nga’t nalalapit na ang halalan.
Malaking hamon ito sa PNP , dahil talagang alarmado na ang marami nating kababayan.