KAPAG may truck o bus na umararo sa mga tao, sasakyan o kabahayan, ang laging sinasabi ng drayber ay nawalan daw ng preno. Hindi raw kumagat ang preno kaya hindi na napigilan ang pagbangga. Wala na raw magawa kaya nangyari ang insidente. At saka hihingi ng tawad ang drayber at sasabihing aksidente lang ang lahat.
Wala na bang ibang masasabing dahilan ang mga drayber ng truck at bus kundi nawalan ng preno ang kanilang minamaneho. Hindi ba nila sasabihin na dahil sa sobrang bilis ng kanilang takbo kaya nangyari ang pag-araro sa mga kawawang tao o mga kabahayan at sasakyan. Hindi ba nila sasabihin na dahil sa kawalan nila ng kaalaman sa pagmamaneho kaya nangyari ang malagim na trahedya sa kalsada? Hindi ba nila aaminin na nakikipagkarera sila kaya nangyari ang trahedya?
Palaging nawalan ng preno ang kanilang dahilan at nakasasawa na ang ganitong alibi ng mga truck at bus drivers. Kung ganito ang lagi nang mangyayari, dapat maghigpit ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga irerehistrong sasakyan at baka walang preno. Kung maaari, huwag nang i-renew ang rehistro ng mga kakarag-karag na sasakyan. Inilalagay lamang sa disgrasya ang buhay ng mga pedestrians at pati mga motorista.
Kagaya nang nangyari kahapon sa Barangka, Marikina nang araruhin ng isang delivery truck ang anim na sasakyan na ikinamatay ng dalawang pasahero ng jeepney.
Palusong sa tulay ang delivery truck (galing Katipunan Avenue) na minamaneho ni Fernando Jenero, 43, nang sagasaan ang nasa unahang jeepney na puno ng pasahero. Dalawa pang pampasaherong jeepney, dalawang L-300 van at isang motorsiklo ang nasaga-saan bago bumangga sa isang poste ng Meralco. Sa lakas ng impact, tumalsik ang dalawang pasahero ng jeepney na ikinamatay ng mga ito.
Dapat nang maghigpit ang LTFRB sa pagrerehistro ng mga bulok na truck at ganundin naman ang LTO sa pag-iisyu ng lisensiya sa truck drivers. Kung hindi maghihigpit, kawawa ang pedestrians at mga motorista.