Tuluyan nang pumasok ang tinatawag na ‘ber months’ na dito na nga inaasahan na ng kapulisan ang pagtaas ng bilang ng mga krimen partikular na ang mga petty crimes.
Gustong-gusto ng mga kawatan ang ganitong mga panahon na kanilang pinaghahandaan.
Isang dahilan dito ay dahil nga sa pagiging busy ng maraming tao, maging ng kapaligiran na siyang sinasamantala ng mga kawatan para makaatake.
Kung ang ganitong mga buwan ng taon ay talagang pinaghahandaan ng mga kawatan, may sagot namang paghahanda rito ang kapulisan.
Ayon sa NCRPO, aabot sa 70 porsiyento ng kanilang puwersa ang ikakalat sa mga lansangan sa Metro Manila. Wala raw makikitang mga PO1 sa mga tanggapan kundi sila ang mangunguna sa pagkalat sa mga lansangan bilang bahagi nang pagpapalakas sa kanilang kampanya kontra sa kriminalidad.
Bukod sa pagpapaigting sa police visibility, inaasahan pa ring makakatulong ay ang pagdaragdag daw ng mga CCTV lalo na sa mga estratihiko at matataong lugar.
Yun nga lang gaya ng palagi nating binabanggit mas magiging epektibo ang pagbabantay ng mga CCTV kung may nakatutok at nakamonitor dito.
Hindi nga ba’t sa nangyayari sa kasalukuyan, marami ang nakukunang mga pangyayari o krimen ang CCTV, pero natatakasan kasi nga huli na bago ito marepaso, tapos na ang kaganapan.
Hindi lang naman ang mga estilo o modus ng mga kawatan ang dapat na mabantayan ngayong ‘ber months’ kundi maging ang mga modus ng mga mapagsamantala sa ganitong mga buwan.
Nandyan din ang modus sa mga sasakyan.
Siguradong malapit-lapit na namang magsuplado ang maraming mga taxi driver. Yung tipo na mamimili ng mga pasahero o kaya ay mangongontrata dahil nga in demand sila.
Dapat dito naman maging mapagbantay ang mga tauhan ng LTO at LTFRB laban sa mga nananamantala sa mga commuters.
Anu’t-anuman, asahan pa ang paglutang ng ibat-ibang modus bago pa man sumapit ang holiday seasons, na ito nga ang dapat na mabantayan.
Malaki ang inaasahan ng taumbayan sa mga gagawing pagbabantay ng mga opisyal ng pamahaalan para sila mabigyan ng proteksyon laban sa mga kawatan at kriminal sa lansangan.