95-anyos na Turkish guru, mukhang bata dahil sa yoga

AAKALAING nasa 50-anyos mahigit lang ang yoga guru mula Turkey na si Kazim Gurbuz kaya naman mara-ming mamamangha kapag nalamang 95 anyos na siya.

Ayon kay Gurbuz, ipinanganak siya noong 1920. Ipinagmamalaki niya na sa kabila ng kanyang edad ay taglay pa rin niya ang mabuting kalusugan at magandang pangangatawan dahil sa yoga at pagkain ng tama.

Ayon sa kanya, araw-araw siyang lumalangoy. Sa kabila ng kanyang edad ay hindi rin niya itinigil ang paggawa ng mga mahihirap na posisyon sa yoga. Sa katunayan nga raw ay nagagawa pa rin niyang mag-pose habang nasa mahihirap na yoga positions sa loob ng 48 oras. Mahalaga rin para kay Gurbuz ang paglanghap ng sariwang hangin at ang masinagan ng araw sa umaga.

Espesyal ang diet ni Gurbuz na binubuo ng olives, red peppers, pinto beans, herbal tea, at soup. Nakakaubos din siya ng kalahating garapon ng pulot araw-araw. Umiiwas siya sa karne, na ayon sa kanya ay pangunahing pumipinsala sa ating mga katawan. Sa halip ay sa mga gulay siya kumukuha ng protina na kailangan ng kanyang katawan.

Marami naman ang hindi naniniwala sa pahayag ni Gurbuz ukol sa kanyang edad ngunit ipinagkikibit-balikat na lang niya ito dahil mayroon naman siyang birth certificate na para sa kanya ay sapat nang patunay na hindi siya nanloloko.

 

Show comments