MINSAN, nakausap ko ang isang kaibigang may breast cancer. Dama ko sa kanyang mga pana-nalita ang kalungkutan sa kanyang dinaranas sa kasalukuyan. Itinigil na nga niya ang pagpapa-chemotherapy dahil lalo lang daw siyang nanghihina. Mas lumakas daw siya nang tigilan na niya ang chemo. Pero madalas pa rin ang pagpapagamot niya na pahiwatig na patuloy ang pakikibaka niya laban sa kanyang karamdaman. Sa kabila nito, meron siyang pinagkakaabalahang makabuluhang bagay na ayon sa kanya ay nais niyang maisakatuparan bago pa man siya makarating sa ‘dulo’ ng kanyang buhay. Tanggap na niya sa kanyang sarili ang kung ano man ang mangyayari sa kanya.
Naikuwento ko sa kanya ang hinggil sa isa ko pang kaibigan na meron namang colon cancer. Sabi nga niya, payuhan ko ito na itigil na rin ang pagpapa-chemotherapy. Pero hindi ko naman ginawa dahil, sa tingin ko, kahit paano ay nakakapagbigay ng pag-asa kahit paano sa pangalawang kaibigan ang kung ano man remedyo meron ang medisina para sa tulad niyang dinapuan ng isang klase ng karamdamang wala pang natutuklasang perpektong lunas. Kahit pa sinasabing merong negatibong epekto ang chemo at kahit gumaling dito ang isang pasyente ay bumabalik pa rin ang nakakamatay na selula ng kanser. Naubos na nga halos ang kanyang kabuhayan dahil sa malaking gastusin sa chemotherapy kaya tinulungan siya ng ilang grupo at mga kaibigan para makakalap ng pera para sa patuloy niyang pagpapagamot.
Pero, bukod sa chemotheraphy, binabalingan ng pangalawa kong kaibigan ang pagdarasal. Ang paglapit sa Panginoong Maykapal. Nariyan din ang mga mahal niya sa buhay na la-ging umaalalay sa kanya at nagpapatatag sa kanyang kalooban para patuloy siyang mabuhay.
Isang nakakalunos na pangyayaring maaaring sapitin ng isang tao iyong tila araw-araw ay kaharap mo si kamatayan na anumang oras ay maaari kang kunin. Laging nakatitig sa iyo nasaan ka man o kahit ano ang ginagawa mo lalo pa kung tinaningan na ng duktor ang buhay mo. Sana nga, balang araw ay makatuklas na ng tamang gamot laban sa kanser. Nariyan nga ang stem cell pero hanggang ngayon ay nasa antas pa ito ng mga eksperimento.