EDITORYAL - May pinaslang na namang mamamahayag

TATLUMPU’T ANIM na mamamahayag na ang napapatay sa ilalim ng Aquino adminis­tration. Ang ika-36 ay si Cosme Maestrado, broad­caster ng DXOC, Ozamis City. Binaril siya ng apat na armadong kalalakihan noong Huwebes sa harap ng shopping Center. Nakatakas ang mga suspek. Si Maestrado ay hard-hitting radio commentator.

Noong Martes ng gabi, binaril at napatay din ang radio broadcaster na si Teodoro Escanilla ng Sorsogon sa harap mismo ng kanyang bahay.

Mariing kinondena ng Malacañang ang dalawang magkasunod na pagpaslang sa mga miyembro ng media. Iniutos na umano ni President Aquino ang pagtugis sa mga salarin.

Noong nakaraang Pebrero, binaril at napatay ang radio broadcaster na si Maurito Lim habang papasok sa kanyang radio office sa dyRD sa Tagbilaran, Bohol.  Isang motorsiklo ang pumarada sa tapat ng tanggapan, bumaba ang lalaki at nilapitan si Lim saka binaril ito sa kaliwang bahagi ng mukha.

Marami nang pinatay na mamamahayag at hindi nalulutas. Isang halimbawa ay ang broadcaster-environmentalist na si Doc Gerry Ortega. Pinatay si Ortega habang pumipili ng damit sa isang tindahan ng ukay-ukay sa Puerto Princesa City noong 2011. Binaril siya habang nakatalikod. May mga inarestong suspek pero habang nasa kulungan ay isa-isang pinatay ang mga ito.

Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpong mamamahayag at 28 sibil­yan ang minasaker at inilibing sa hukay. Hanggang ngayon, wala pang nakukuhang hustisya ang mga kaanak ng Maguindanao massacre.

Walang nakukuhang proteksiyon sa gobyerno ang mga mamamahayag. Pawang pangako ang Aquino administration na wawakasan na ang mga karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag. Nasaan na ang pangakong ito?

Show comments