TANDANG-TANDA ko pa ang deklarasyon ni PNP chief Director General Ricardo Marquez na pangunahing programa niya ay ang pagbibigay ng sapat na proteksiyon sa publiko.
Ito ay sa pamamagitan ng police visibility o pagpapakalat ng mga kagawad ng pulisya sa mga matataong lugar para maprotektahan ang mamamayan.
Sa umpisa ay marami tayong nakikitang pulis sa mga matataong lugar pero tila lumamig na ang nasabing isyu.
Ako mismo ay nakapansin sa ilang LRT at MRT stations na walang nakikitang pulis na umaali-aligid.
Batay din sa aking monitoring, kakaunti lang ang mga matataong lugar ngayon na naiikutan ng mga pulis sa hindi malamang dahilan.
Hindi ko masisisi ang publiko na akusahang “ningas kugon” lang ang PNP chief sa mga ipinangakong programa.
Nauunawaan ko naman na hindi sapat ang bilang ng mga pulis kaya hindi maaaring bantayan ang lahat ng mga matataong lugar.
Ganunman, umaasa pa rin ako na mapagbubuti ng PNP ang kanilang serbisyo. Magagawa nilang magbantay sa matataong lugar sa bansa.
Bilisan ang paglutas ng mga krimen para maparusahan ang mga kriminal upang magsilbing babala sa ibang gagawa ng kasamaan.
Naniniwala ako na kahit kapos sa resources ang PNP ay kakayanin pa ring mapaglingkuran ang sambayanan.