EDITORYAL- Maraming dapat ipag-‘sorry’
NANG kapanayamin si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos ng ANC Headstart, sinabi niya na walang dapat ipag-sorry o ihingi ng kapatawaran ang mga nagawa ng kanyang amang si Pres. Ferdinand Marcos noong ito pa ang nasa katungkulan.
Kung meron daw siyang sinaktan, lagi siyang nakahandang mag-sorry pero ang mag-apologize sa mga nagawa umano ng kanyang ama sa 20 taong panunungkulan ay hindi nararapat. Ano raw ang dapat i-apologize?
Magso-sorry daw ba siya sa libu-libong kilometro ng kalsada na naipagawa ng kanyang ama noong nanunungkulan pa? Magso-sorry daw ba siya sa mahusay na agricultural policy ng kanyang ama na naging dahilan para sumagana ang ani? Magso-sorry daw ba siya sa power generation? Magso-sorry daw ba siya sa mataas na literacy rate ng Pilipinas sa buong Asia? Ano raw ang dapat niyang ipag-sorry?
Sabi ni Bongbong, ang kasaysayan ang huhusga sa administrasyon ng kanyang ama, na ayon sa kanya ay mas mahusay kaysa kasalukuyang administrasyon.
Nalalaman daw niya ang sentimyento ng mamamayan at ang nagtutulak sa kanya para tumakbo sa mataas na posisyon sa 2016 elections. Ayon sa report, tatakbong Presidente si Bongbong at mayroon din namang nagsasabi na tatakbo siyang Vice President ni Jejomar Binay.
Idinagdag pa ni Bongbong na mula nang mawala sa Malacañang ang kanyang ama, wala nang iba pang nakatulad sa panunungkulan. Nag-iisa aniya at marami ang nagsasabing dapat itong bumalik.
Mayroong dapat ipag-sorry ang mga Marcos. Dapat ipag-sorry ang pagbusal sa mga mamamahayag noong ideklara ang martial law. Dapat ipag-sorry ang kalupitan ng mga sundalo ng kanyang ama na walang awang bumistay ng bala sa mga kumakalaban at bumabatikos. Dapat ipag-sorry ang walang patumanggang pangungurakot na naging dahilan para malubog sa utang ang bansa. Dapat ipag-sorry ang sobrang pagkagahaman sa kapangyarihan.
Maraming nagawa sa bansa si President Marcos pero marami rin silang dapat ipag-sorry sa samba-yanan.
- Latest