Sampaguita (142)

“MUKHA pong kontrabida si Banjo at mukhang hindi pahuhuli nang buhay,” sabi ni Ram kay Sir Manuel.

“Napakabilis mong mag-imbestiga, Ram.’’

“Malapit lang po ang Varona sa aking tinitirahan. Nilakad ko nga lang po patungo roon. Nag-obserba muna ako at tiyempo na may mabait na lalaking nagturo kung sino si Banjo. Palihim ko pa ngang nakunan ng picture si Banjo. Ipadadala ko po sa’yo ang picture, Sir Manuel.’’

“Good job! Maaasahan ka talaga, Ram. Pero dapat kang mag-ingat dahil baka may makaamoy sa plano mo.’’

“Iyan nga ang babala sa akin ng lalaking nakausap ko sa Varona. Mag-ingat daw ako dahil paladuda si Banjo. La­ging naghihinala na ang kausap ay kalaban.’’

“Huwag kang magtitiwala agad Ram at lagi kang alisto. Mahirap ay baka makalingat ka at maunahan ka ng Banjo na iyon. Baka sa halip na ako ang banatan niya ay ikaw itong puruhan niya.’’

“Salamat po Sir Manuel. Mag-iingat ako.”

“Kung mayroon kang kailangan sa akin, tawagan mo agad ako. Kung gusto mong pasaklolo, tawagan mo ako.’’

“Salamat po.’’

“Siyanga pala, nabanggit ko kay Viring ang tungkol sa lola ni Sampaguita. Nasabi ko na ikaw na ang naatasan kong tumulong sa matanda dahil napabayaan na. Kailangan kasi ng pinansiyal na tulong ng matanda dahil hindi na dinadalaw man lamang ng mga magulang ni Sampaguita. Nag-aalala ako, Ram.’’

“Ako na ang bahala kay Lola Rosa, Sir Manuel. Tutal naman at kabisado ko ang patungo ko sa kanila. Kawawa nga po ang matanda. Palagay ko wala siyang kamalay-malay sa nangyayari kay Sam. Pupuntahan ko po siya bukas na bukas din.’’

“Ipadadala ko sa iyo ang pera para sa matanda ngayon din. Mag-ingat ka, Ram.’’

“Yes Sir Manuel.”

SAMANTALA, nang mga sandaling iyon ay nasa isang mamahaling restaurant sina Levi at Sam. Iyon ang u­nang pagkakataon na sumama si Sam kay Levi.

Maamong tupa si Levi sa pakikitungo kay Sam at paniwalang-paniwala naman si Sam. Wala siyang kamalay-malay na unti-unti na siyang binibitag ni Levi.

“Salamat at pumayag kang sumama sa akin Sam. Akala ko, patuloy kang magiging mailap sa akin.’’

“Sumama ako dahil nararamdaman kong umiibig na ako sa’yo, Levi.’’

Tuwang-tuwa si Levi.

“Dapat mag-celebrate tayo. Uminom tayo!’’

Lingid kay Sam, may nakahandang gamot si Levi para ilagay sa iinumin ng dalaga. Mahihilo si Sam at ayos ang butu-buto.

(Itutuloy)

Show comments