‘Malaking ambag ng OFW’
MISMONG ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nagkumpirma, overseas Filipino workers (OFW) remittances ang dahilan kung bakit lumulutang ang ekonomiya ng bansa.
Sa taong 2014, $24 bilyon ang kontribusyon ng OFW, pangalawa lang ang Business Processing Outsource (BPO) o sektor ng call center na nakapagpapasok naman ng $18B. Walang malinaw na numero kung magkano ang Foreign Direct Investment (FDI) inflows.
Ito ‘yung kontribusyon sa ekonomiya ng mga dayuhang imbestor. Lumalabas tuloy, lahat ng mga iniyayabang ng administrasyon na foreign investment daw, puro lang satsat at espekulasyon.
Kaya nga ‘bwisit ngayon ang mga OFW pati ang kanilang mga kaanak sa gobyerno ni Pangulong Noy Aquino. Nababastusan sa tagapagsalita na si Sec. Edwin Lacierda sa kaniyang komento hinggil sa mga nagpapakandahirap nating kababayan sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa kaniya, hindi naman daw sa gobyerno napupunta ang ipinapadalang dolyar ng mga OFW kaya hindi nararamdaman direkta sa ekonomiya ng bansa.
Kung anuman ang ginagawang pagtatanggol ngayon ng Malacañang sa nakatuwad ang kukuteng si Lacierda, hindi na ako interesado.
Hindi yata nauunawaan ng mga gabinete ni PNoy lalo na ang mga nagpapalamig lang sa kanilang mga tanggapan sa Palasyo na kapag mataas ang OFW remittances, tumataas din ang kumpyansa ng kanilang mga pamilya na maglabas ng pera bilang mga mamimili.
Malaking sampal sa pamahalaan ang katotohanan na kaya marami ang umaalis na Pinoy para magtrabaho nalang sa ibang bansa ay dahil nawalan na sila ng tiwala na mabibigyan sila ng magandang buhay sa sarili nilang lupa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest