Dirty cops
FLASH Report: Nagkaroon ng guessing game kung sino itong alyas Manong na gumagamit ng pangalan ni CIDG director Chief Supt. Victor Deona para ikolekta ang huli ng weekly payola sa mga gambling lords sa bansa. May nagsasabi na si alyas Manong ay si Clyde Fernandez at meron namang bumulong na ito ay si George Bueno. Si Fernandez ay dating jueteng operator sa Pangasinan samantalang si Bueno naman ang may-ari ng maraming beerhouse sa Quezon City. May mga kosa naman akong nagsasabing sina Fernandez at Bueno ay bata lamang ni Manong, na tambay ng Luxent Hotel sa Timog, Quezon City. Hehehe! Magaling din magtago itong bagman ni Gen. Deona na si Manong. Subalit sa sobrang dami ng gambling lords at beerhouse o nightclub operators na nakausap n’ya, mabubulgar din ang tunay na pagkatao n’ya. T’yak ‘yun!
* * *
Dapat lang lansagin ni NCRPO director Chief Supt. Joel Pagdilao ang grupo ng mga AWOL at active policemen na sangkot sa illegal na gawain sa southern Metro Manila. Habang abala si Pagdilao na linisin ang hanay ng NCRPO ng mga “dirty cops”, palagay ko napapanahon na para bigyan n’ya ng pansin ang grupong ito, na ang itinuturong lider ng mga kosa ko ay ang AWOL cop na si PO1 Adamos. Para sa kaalaman ni Pagdilao, ang mga miyembro ng grupo ay mga classmates ni Adamos na kilala sa mga alyas na Militante, Aurelio, at Jojo Bungal. Ang utusan ng grupo ay si Arnold o alyas Intsik. Tulad ni Adamos, karamihan sa mga miyembro ng grupo ay naka-assign sa NCPRO kaya hindi na mahihirapan si Pagdilao na kalusin sila, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Lumilinya pala ang grupo ng AWOL at active cops, Gen. Pagdilao Sir, sa nakawan ng motor kalimitan sa Taguig, Parañaque at Las Piñas. Maliban dyan, sangkot din sila sa riding-in-tandem, gun-for-hire, akyat-bahay, holdap sa mga pawnshop at iba pa, ayon sa mga kosa ko. Ang gamit ng grupo sa illegal na lakad nila ay ang isang motor na Jingle at tricycle na kulay pula, na mga walang plaka. Ang info pa ng mga kosa ko, kapag nasita sila ng tunay ng pulis, Gen. Pagdilao Sir, nagpapakilala ang grupo na miyembro sila ng CIDG. Boom Panes! Hehehe! Dapat sigurong habulin din ni Deona ang grupo ni Adamos dahil ang opisina niya ang napapariwara sa pagpakilala nila na taga CIDG sila, di ba mga kosa? Tumpak!
Ayon sa mga kosa ko, si Adamos ay kasalukuyang nagpapagawa ng mansion sa Taguig City. Malapit na itong matapos, anila. Si Adamos ay pumasok bilang pulis noong taong-2003. Sa sobrang haba ng panahon na panunungkulan n’ya, aba hindi man lang siya na-promote dahil hanggang sa ngayon PO1 pa rin ang ranggo n’ya. Marami sigurong accomplishment si Adamos o marami siyang kasalanan? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Arukin mo nga Gen. Pagdilao Sir ang tunay na pagkatao ni Adamos at marami kang matuklasan! Boom Panes!
Ang payo naman ng mga kosa ko kay Pagdilao, dapat magkaroon ng policy ang NCRPO na itong mga AWOL cops ay madisarmahan. Kasi nga kahit AWOL na si Adamos at iba pa, nagagamit pa nila ang kanilang service firearm sa kalokohan. Subalit kapag wala na silang armas, tiyak magiging law-abiding citizen na itong mga AWOL cops dahil wala na silang magagamit na panakot sa mga biktima nila, di ba mga kosa? Bilang na ang araw nitong grupo ni Adamos kapag binigyan sila ng pansin ni Pagdilao, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest