KAHAPON, masikip na naman ang EDSA at iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila. Noong Linggo ay ganundin ang tanawin. Gumagapang ang mga sasakyan. Walang pagbabago. Lalong sumama ang lagay ng trapiko at habang nagdaraan ang mga araw ay palubha pa nang palubha. Ang tatlumpong minutong biyahe sa bus mula North EDSA patungong Makati ay naging dalawang oras o mahigit pa. Paano kung sumapit na ang “ber” months? Baka abutin ng tatlong oras ang biyahe? Wala nang susuwelduhin ang mga karaniwang empleado dahil kinaltas na sa sobrang late sa pagpasok.
Habang pausad-usad ang trapiko sa EDSA at iba pang malalaking kalsada, makikita naman ang nagkumpol-kumpol na traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at walang ginagawa para itaboy ang mga bus at dyipni na nagsasakay at nagbaba ng pasahero sa gitna ng kalye. Wala nang pakialam kung magbuhul-buhol ang trapiko. Wala nang ginagawa ang traffic enforcers kundi panoorin ang mga bus naghambalang sa EDSA-Aurora Blvd. Ang ibang enforcers, nagkukuwentuhan pa.
Marahil, naniniwala si MMDA Chairman Francis Tolentino sa sinabi ni Transportation Sec. Joseph Abaya noong nakaraang linggo na hindi naman nakakamatay ang trapik. Hindi nakikita ang anino ni Tolentino sa kasalukuyan dahil marahil sa sobrang busy. Ang tanging nakikita ay ang paid advertisement niya sa TV ukol sa earthquake preparations. Halata naman na paraan ito ng kampanya niya sa 2016 elections.
Masyado na raw mabait si Tolentino sa mga tauhan ng MMDA para makakuha ng boto sa mga ito at kanilang pamilya. Hindi na siya gumagawa ng anumang hakbang para masolusyunan ang trapik. Marami naman ang nagpapayo na magbitiw na sa MMDA si Tolentino sapagkat hindi naman nito nagagampanan ang tungkulin.
Sana, mapakinggan ni Tolentino ang mga hinaing ng mga naiipit sa trapiko araw-araw. O hindi niya pakikinggan dahil wala namang namamatay sa trapik? O subukan kaya niyang nakatengga ng dalawa hanggang tatlong oras sa kalsada dahil sa trapik?