Editoryal – Preparasyon sa pagtama ng El Niño

SA Oktubre pa umano mararamdaman ang epek­to ng El Niño ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at tatagal ng siyam na buwan. Huling nanalasa ang El Niño noong 1997. Ngayon ay nararamdaman na ang kakaibang init ng panahon na wari’y paramdam ng El Niño. Pero sabi ng PAGASA, hindi pa raw epekto ng El Niño ang nararanasang init ng panahon. Noong Linggo ay naramdaman ang grabeng init sa Metro Manila. Kahapon, muling naramdaman ang matinding init na walang ipinagkaiba sa init noong Abril at Mayo na summer months.

Ang El Niño ay ang hindi pangkaraniwang pag-init ng temperature ng karagatan sa central at eastern equatorial Pacific na magdudulot ng grabeng tagtuyot sa rehiyon sa Pacific at grabeng tag-ulan at baha naman sa iba pang rehiyon.

Dumanas ang bansa ng kakapusan sa pagkain at tubig noong 1997 dahil sa epekto ng El Niño. Mahigit 70 percent ng bansa ang nakaranas ng grabeng tagtuyot. Umabot sa P8.46 billion ang nasira sa agrikultura nang matuyo ang may 74,000 ektaryang sakahan sa 18 probinsiya.

Ngayon pa lamang, may mga sakahan nang natutuyo sa hilagang bahagi ng bansa. Ang paghahanda at pagpaplano sa pagsapit ng El Niño ay kailangan. Magkaroon na ng pag-aaral kung paano ito maiiwasan.

Mayroon na bang naiisip na paraan ang Department of Agriculture kung paano masusustentuhan ng tubig ang mga sakahan. Ano ang plano ni Agriculture Secretary Proceso Alcala? O wala pa siyang plano ukol dito sapagkat ang 2016 election ang kanyang pinagkakaabalahan.

Dapat magkaroon ng cloud seeding upang matustusan ang kailangang tubig. Mamahagi ng mga punla o binhi na matibay sa init at ito ang itanim. Kung siyam na buwan ang itatagal ng El Niño, maaaring magbunga at mapakinabangan ang mga ito.

Ngayon pa lamang dapat nang ipaalala sa mamamayan ang pagtitipid sa paggamit ng tubig. Hindi dapat mag-aksaya sa panahong ito.

Show comments