Mga pahina ng libro, panlaban sa maruming tubig sa Africa

ISANG grupo ng mga mananaliksik mula sa United States ang nakapagdisenyo ng isang “drinkable book.” May halong pilak kasi ang mga pahina ng libro kaya puwedeng gamitin ang bawat isa sa mga ito bilang pang-sala sa maduming tubig.

Tinatayang nasa 1.5 milyong katao sa buong mundo ang namamatay mula sa mga sakit na sanhi ng pag-inom ng maruming tubig. Karamihan sa mga biktimang ito ay nasa mahihirap na bansa kung saan walang mapagkukunan ng malinis na inumin ang mga tao.

Ito ang dahilan kung bakit naisipan ni Theresa Dankovich at ng kanyang mga kasamahang researcher mula Carnegie Mellon University ang magdebelop ng isang simple at murang solusyon sa maruming tubig. Napag-alaman nilang epektibo ang pilak sa pagpatay ng mikrobyo kaya naisipan ng kanyang grupo na ihalo ito sa mga papel na magiging pahina ng mga libro na kanilang ipamimigay sa mga mahihirap na komunidad na kapos sa malinis na tubig.

Naging matagumpay ang kanilang mga naunang pagsusuri gamit ang mga papel na may halong pilak. Napag-alaman nilang pinupuksa ng nakahalong pilak ang 99-100% ng mga mikrobyong nasa tubig na kanilang sinala gamit ang papel.

Tinataya nilang nasa 100 litro ang kayang salain ng bawat pahina ng kanilang “drinkable book” bago ito, kailangang palitan. Umaasa naman ang grupo ni Theresa na maipapakalat pa nila ang paggamit ng kanilang simple at murang paraan ng paglilinis ng maruming tubig.

Show comments