ANG nangyaring pambobomba sa Bangkok, Thailand noong Lunes ng gabi na ikinamatay ng 21 tao na karamihan ay turista ay gawain ng mga terorista. Wala namang ibang makagagawa ng ganitong karumal-dumal na gawain kundi mga terorista. Walang konsensiya ang mga nilalang na ito na nakayang magpasabog sa karamihan ng tao. Naatim nilang pumatay ng mga taong walang kamalay-malay.
Ang naganap sa Bangkok, ay maaaring mangyari rin sa bansa at nangyari na nga sa nakaraan. Marami nang nangyaring pagsabog at marami nang namatay. Ang nangyaring pambobomba sa SuperFerry 14 noong Peb. 26, 2004 na ikinamatay ng 116 tao ay isa sa maituturing na pinakamalagim na pangyayari sa bansa na kagagawan ng Abu Sayyaf. Naganap ang pambobomba habang nasa Manila Bay ang SuperFerry patungong Cebu.
Noong Disyembre 30, 2000, naganap ang Rizal Day bombing na ikinamatay ng 22 tao at ikinasugat ng 120. Iniwan ang bomba sa bagon ng LRT at sumabog sa Blumentritt Station. Apat pang pagsabog ang naganap ng araw na iyon sa iba’t ibang lugar: Sa isang park sa Maynila, sa isang gasolinahan sa Makati, sa isang bus na nagbibiyahe sa EDSA at sa cargo area sa NAIA.
Nagkaroon din ng pagsabog sa isang bus na nakaparada sa ilalim ng MRT sa Makati City noong Peb. 14, 2005 na ikinamatay ng tatlong tao at ikinasugat ng 74.
Hindi natutulog ang mga terorista at naghihintay lamang ng pagkakataon para makapagsabog ng lagim. Kailangang maging alerto ang bawat isa upang mapigilan ang mga walang konsensiya. Maging mapagmatyag sa kapaligiran. Maghinala sa mga bagay – backpack, bag, supot, attaché case na iniwan sa lugar na matao. Ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang bagay. Ang pagiging alerto ang magliligtas hindi lang sa sarili kundi pati sa kapwa.