Si Liz ay waitress sa isang restaurant sa New Jersey. Isang umaga ay pumasok sa restaurant ang dalawang bumbero. Bukod sa almusal ay umorder ang dalawa ng kape sabay pakiusap kay Liz: Gusto namin ay tapangan mo ang kape para hindi kami antukin mamaya sa aming duty.
Habang isa-isang inihahain ni Liz ang pagkain, narinig niya ang pinag-uusapan ng dalawang bumbero.
Pare hindi ko namalayang inabot pala ng 12 oras bago natin naapula ang apoy kagabi.
Akala ko ay hindi na mamamatay ang apoy. First time na nagkaroon ng ganoon katagal na sunog sa lugar na iyon.
Nang kinuha ng mga bumbero ang resibo, walang nakalagay na kuwenta ng nakain nila. Sa halip ay maikling “note” ng waitress. Ako na lang ang magbabayad ng inyong kinain. Ito ang paraan ko para magpasalamat sa mga kagaya ninyong bayani ng ating bayan. Thank you. Get some rest. Liz
Sobrang na-touched ang dalawang bumbero kaya nai-post nila ang breakfast receipt sa kanilang Facebook account. Pinakiusapan pa nila ang kanilang kaibigan na kapag kumain sila sa restaurant na pinagtatrabahuhan ni Liz ay bigyan ito ng malaking tip.
Pagkaraang kumalat ang post sa Facebook, nakarating sa kaalaman ng dalawang bumbero na mahirap lang si Liz. Sa katunayan ay kasalukuyan pala itong nagre-raise ng funds para pambili ng wheelchair-accessible vehicle para sa kanyang ama. May website si Liz na may titulong Go Fund Me campaign. Ini-repost ng dalawang bumbero ang istorya ng panlilibre sa kanila ni Liz sa mismong website nito. Biglang bumuhos ang tulong mula sa mga tao.
Nakaipon si Liz ng $70,000! Sobra-sobra sa presyo ng wheelchair na $17,000. Ang kabutihan ay sinusuklian din ng kabaitan. Totoo ang karma.